
Mister na-depress, nagbigti
PAGIGING “desperado” ang isa sa umanong tinitignang motibo ng mga awtoridad sa ginawang pagpapakamatay ng isang mister, makaraang madiskubre ng kanyang kinakasama sa loob ng silid na nagbigti sa Sampaloc, Maynila Biyernes ng tanghali.
Base sa ulat ni Police Lieutenant Dennis Turla, hepe ng Manila Police District (MPD) Homicide Section, bandang 11:25 ng tanghali nang ipagbigay-alam sa kanilang tanggapan ang insidente ng mga tauhan ng MPD Barbosa Police Station 14.
Ayon sa salaysay ng live-in partner ng biktima, kinakatok umano nito ang pinto dahil nagkulong umano ang kanyang mister.
Sinilip niya umano ito sa exhaust fan at nakita ang kinakasama na nakabigti ng electrical wire sa nakausling concrete nail.
Dali-dali itong humingi ng tulong sa kanyang mga kaanak at sapilitang giniba ang pinto at dito na tumambad ang wala nang buhay na biktima.
Huli raw itong nakitang buhay sa harap ng sari-sari store dakong 1:00 ng madaling araw, habang sunod-sunod ang hitit nito sa sigarilyo.
Ayon sa ka-live in nito, “na-depress” umano ang kanyang partner sa hindi na binanggit na dahilan.
Gayunman, ang bangkay ng biktima ay inawtopsiya sa St. Mark Funeral Morgue na siyang pinili ng mga kaanak nito.