Hostage Mapayapang natapos ang isang hostage drama sa Punta, Sta Ana, matapos na sumuko ng matiwasay ang suspek Linggo ng hapon. Kuha ni JON-JON C. REYES

‘Mister’ iniwan ni ‘misis,’ hinostage 4 na pamangkin

January 9, 2023 Jonjon Reyes 246 views

ISANG kelot na armado ng gunting ang nang-hostage ng apat niyang pamangkin makaraang dumanas ng depression sa pagka-iwan sa kanya ng ka-live in may ilang buwan na ang nakakaraan sa Punta Sta. Ana, Manila.

Kasong paglabag sa Article 267 ng Revised Penal Code o serious illegal detention in relation to Republic Act 7610 ang kahaharaping kaso ng suspek na nakilalang si Roberto Buhisan, 35, residente ng Champaca Street, Barangay 900, Zone 100, Sta.Ana.

Ayon kay Police Lieutenant Colonel Orlando Mirando Jr., Manila Police District- Sta Ana Police Station 6 commander, bandang 3:45 p.m. nitong Linggo nang itawag sa nasabing presinto ang nagaganap na hostage drama sa loob ng bahay ng pamilya Buhisan.

Nabatid sa report ng pulisya na pinigilan umano ng suspek na makalabas ng bahay ang apat na mga pamangkin na nasa edad 18, kabilang ang isang 17-anyos na dalagita, isang 15-anyos at isang 26- anyos na helper.

Nakarating kay MPD Director Police Brigadier General Andre P. Dizon ang insidente kaya agad itong nagtungo sa lugar para umasiste kay PLt.Col. Mirando, kasama si Police Major Jake Arcilla at ang mga tauhan ng Station 6.

Nagkaroon ng payapa at kalmadong negosasyon at nahimok ng mga pulis na pasukuin ang suspek.

Ginarantiyahan nina PBGen.Dizon at P.Lt.Col.Mirando ang kaligtasan ng suspek at ng mba biktima.

Pasado alas 5:15 ng hapon ng araw na iyon ay pinakawalan ng suspek ang mga biktima at kusang loob itong sumuko sa mga nakaantabay na awtoridad.

Sa pagsisiyasat ni Police Senior Master Sargent Michael Dris, may hawak ng kaso, nagbigay na salaysay ang ama ng suspek.

Ayon sa ama ng suspek, may ilang buwan na umanong iniwan si Roberto ng kanyang kinakasama sa hindi na binanggit na kadahilanan.

Dahil dito, nagawa nitong pigilang makalabas ng bahay ang apat nitong mga pamangkin saka tinutukan sila ng gunting.

Hinimok umano ng suspek ang mga pamangkin na pabalikin sa kanya ang dati nitong kinakasama.

Matapos na kusang sumuko si Buhisan, isinailalim ito sa physical examination sa pinagdalhang pagamutan saka ito diniretso sa presinto.

Nitong nakaraang Sabado ng gabi, hinostage din ng isang lalaki na hinihinalang bangag sa ipinagbabawal na gamot o shabu ang mag-iina gamit ang patalim,.

Kasamang hinostage ang 12-anyos na babaeng anak at 4-na taong gulang na lalaking anak ng inang biktima.

Halos dalawang bago sumuko ng suspek sa mga tauhan ni Police Lieutenant Colonel Rosalino Ibay Jr., MPD- Raxabago Police Station 1 commander.

Naging mapayapa at maayos an negosasyon, habang nakamasid sina General Dizon at si Police Colonel Julius Anoñuevo, hepe ng District Mobile Force Batallon, at ang mga miyembro ng SWAT.

AUTHOR PROFILE