Default Thumbnail

MISTER DINEDO SA HARAP NG MISIS, APO!

May 11, 2023 Edd Reyes 257 views

Sa loob ng bahay 

PINAGBABARIL sa harap ng kanyang live-in at apo ang isang 40-anyos na lalaki matapos pasukin sa loob ng bahay ng di pa kilalang salarin Miyerkules ng gabi sa Caloocan City.

Namatay noon din ang biktimang si Joel Juan sanhi ng mga tinamong tama ng bala sa katawan habang nakaligtas ang kanyang kinakasamang si Marilyn Cajusay, 38, at ang kanilang apo na hindi na binanggit ang pangalan, makaraang kapuwa makapanhik sa itaas ng kanilang bahay.

Sa isinumiteng ulat nina P/Cpl. Bayani Auditor, Jr. at P/Cpl. Romnick Fabroa ng Investigation and Detective Management Section kay Caloocan police chief P/Col. Ruben Bumanglag Lacuesta, nagluluto ng kanilang pagkain sa hapunan ang biktima at kalive-in, kasama ang kanilang apo, dakong dakong 6:40 p.m. sa kusina ng kanilang tirahan sa Block 6 Lot 12 Acacia St., Saint Dominic, Brgy. 168 Deparo nang pumasok ang armadong salarin na nakasuot ng itim na jacket, itim na face mask at maong na pantalon at kaagad na pinaputukan ng sunod-sunod ang biktima.

Tumakas ang salarin nang matiyak na patay na ang biktima habang humingi ng tulong sa barangay at pulisya si Cajusay. Kaagad nagsagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ni P/Maj. Jose Hizon, Commander ng Police Sub-Station -9 subalit bigo silang makilala at madakip ang suspek.

Inamin ng ginang sa pulisya na nahuli at nakulong na ang kanyang kinakasama sa kasong may kinalaman sa ilegal na droga noong Hulyo 14, 2022.

Nakalaya umano ang biktima matapos ang mahigit dalawang buwan noong Setyembre 21, 2022.

Nakuha ng mga tauhan ng Northern Police District Forensic Unit (NPD-FU) ang pitong basyo ng bala ng kalibre .45 at dalawang tingga mula rin sa naturang kalibre ng baril sa lugar na pinangyarihan ng krimen na isinumite na sa Crime Laboratory upang isailalim sa ballistic examination.

Sinabi ni Col. Lacuesta na inaalam na nila kung may kaugnayan sa ilegal na droga ang naturang pamamaslang habang nakikipag-ugnayan na rin ang pulisya sa barangay upang masuri ang kuha ng mga CCTV camera para sa posibleng pagkakakilanlan sa suspek.

AUTHOR PROFILE