Default Thumbnail

Mister dadalhan ng ulam na me shabu si misis sa kulungan, timbog

November 19, 2021 Francis Naguit 225 views

SA kulungan ang bagsak ng isang lalaki makaraang mabisto na may sahog na shabu ang ulam na dadalhin nito sa kaniyang misis na nakakulong sa Quezon City Police District (QCPD) Kamuning Police Station 10, nitong Huwebes ng hapon.

Kinilala ni Station Drug Enforcement Unit (SDEU) PLt. Jorge Villanueva ang nadakip na si Jules Guinto, 49, welder, nakatira sa 47 Miyerkules St., Landcom Village, Sta. Mesa Manila.

Base sa ulat, dakong 5:30 ng hapon (November 18) nang maganap ang insidente sa loob ng nasabing police station.

Dadalawin umano ng suspek ang nakapiit na misis at magdadala ng pagkain subalit nang inspeksyunin ni PCpl Reymark Rigor ang dala-dalang ulam na nakalagay sa Tupperware ay dito na nakita ang isang plastic sachet na naglalaman ng shabu dahilan upang siya ay agad na dakpin.

Dahil dito, sinabihan ni Villanueva ang lahat ng mga dalaw na ‘wag na nilang tangkain pa na magpasok ng ano mang illegal sa kulungan at hindi sila magtatagumpay.

Dinala na ang nakumpiskang shabu sa crime laboratory upang sumailalim sa eksaminasyon.

Nakapiit na si Guinto habang inihahanda ang kasong paglabag sa RA9165 o Comprehensive Dangerous Drug Act of 2002 laban sa kaniya. Nina FRANCIS NAGUIT & JON-JON REYES

AUTHOR PROFILE