Posas

MISIS TIGOK DAHIL SA KARAOKE

August 29, 2023 Melnie Ragasa-limena 251 views

NASAWI ang isang ginang habang sugatan naman ang kaniyang mister matapos silang pagbubugbugin umano ng kanilang kapitbahay dahil pinagsabihan nila umano na hinaan ang videoke nito.

Sa report ng Criminal Investigation and Detection Unit ng Quezon City Police District, nangyari ang insidente alas-tres ng madaling araw noong Agosto 28 sa kahabaan ng G Roxas Street sa Barangay Manresa, Quezon City.

Sa imbestigasyon ng pulisya, hindi umano makatulog ang biktimang lalaki dahil sa ingay na nagmumula sa kanilang kapitbahay na nagdiriwang umano ng birthday.

Dahil dito ay pinuntahan umano ng biktima ang bahay ng suspek at nakiusap na hinaan ang videoke.

Agad na umuwi ang biktima sa kaniyang tahanan ngunit sinundan pala siya ng kaniyang kapitbahay kasama ang limang iba pa na bisita umano niya.

Kinompronta umano ng grupo ng mga suspek ang biktimang lalaki. Agad na umawat ang asawa ng biktima ngunit pati siya ay pinagbuntunan din ng galit ng mga suspek.

Binugbog umano ng mga suspek ang mag-asawa.

Nagawang makatakas ng biktimang lalaki ngunit hindi ng kaniyang asawa na naiwan sa galit na galit na mga suspek.

Agad na humingi ng tulong ang biktima sa barangay, kung saan niya nalaman na binugbog din umano ang kaniyang asawa at kailangang madala sa ospital.

Dinala ang babaeng biktima sa Quezon City General Hospital, ngunit idineklara siyang dead on arrival dahil sa grabeng pinsala sa kaniyang ulo.

Ayon sa lalaking biktima ay nakausap niya ang kaniyang asawa habang papunta sila sa ospital at sinabi nito na binugbog siya ng kanilang kapitbahay at mga kasama nito.

Nagtamo din ng mga sugat sa mukha at kanang balikat ang lalaking biktima.

Dalawa sa mga suspek ang nasa kustodiya na ng pulisya habang patuloy na hinahanap ang limang iba pa.