Default Thumbnail

Misis pinatay sa saksak ng ‘selosong’ mister

January 13, 2023 Zaida I. Delos Reyes 807 views

TINADTAD ng saksak hanggang mapatay ng “selosong” mister ang kanyang misis habang natutulog katabi ng kanilang mga anak nitong Miyerkules ng gabi sa Sarangani, Davao Occidental.

Ang hindi na umabot nang buhay sa Saranggani District Hospital ang biktima, 27, residente ng Barangay Tucal.

Pinaghahanap naman ng pulisya ang mister na suspek na mabilis na tumakas matapos ang pananaksak.

Batay sa ulat na nakarating sa Camp Crame, ang insidente ay naganap dakong 10:00 ng gabi sa silid ng mag-asawa.

Natutulog umano ang biktima kasama ang mga anak nang bigla na lamang pagsasaksakin ng suspek ang ginang.

Matapos ang insidente ay agad na tumakas ang mister habang isinugod sa pagamutan ang biktima subalit idineklara itong “dead on arrival.”

Napag-alaman na bago ang pananaksak ay nagkaroon ng matinding away umano ang mag-asawa na nauwi ang usapan sa opisina ng Barangay matapos na “magselos” umano ang suspek dahil mayroon umanong “ibang lalaki” ang kanyang misis.

Kasong parricide ang kinakaharap ng suspek na patuloy pang pinaghahanap ng mga awtoridad.