Default Thumbnail

Misis ‘nilaslas’ ng gunting leeg ni mister

February 8, 2023 Melnie Ragasa-limena 299 views

“TULOOOONG!” Bumulaga ang nakakakilabot na sigaw na ito sa mga opisyal ng barangay. Isang mister ang nagtatakbo sa kanila. Basa ito ng dugo na bumubulwak mula sa kanyang sugat. Ayon sa biktima, nilaslas umano ng kanyang misis ang kanyang leeg.

Malamang ito ang naging scenario matapos umanong laslasin ng misis ang leeg ng kaniyang mister sa loob ng kanilang tahanan sa Quezon City, Martes ng umaga.

Sinita umano ng mister ang ‘inuman from home’ ng misis at mga barkada nito at nauwi sa away ang mag-asawa.

Ang suspek na si Marivic Marimat Tajanlangit, 35, housewife, tubong Dumaguete, ay ipinaaresto ng kaniyang mister na si Bryan Mente Tajanlangit, 34, call center agent, kapwa nakatira sa1702 Jonas St., Jordan Plains Subd., Brgy. Sta. Monica, Novaliches, Quezon City.

Sa report ng Quezon City Police District Novaliches Police Station 4, bandang 9:30 a.m. (February 7), nang maganap ang insidente sa loob ng tahanan ng mag-asawa.

Batay sa inisyal na imbestigasyon ni PSSg Germito M Loria Jr., kauuwi lamang umano mula sa pinagtatrabahuhang call center ang mister nang madatnan pa nito ang misis na nakikipag-inuman sa kaniyang mga kabarkada sa loob ng kanilang tahanan.

Nagalit umano ang mister kaya umalis na rin ang mga kainuman ng kaniyang misis na noon ay lango pa sa alak.

Nagtalo ang dalawa at dahil sa napahiya sa kaniyang mga barkada ay galit na kumuha ng gunting ang misis at nilaslas umano ang leeg ng mister.

Agad na nagtatakbo sa labas ng kanilang tahanan ang lalaki at humingi ng saklolo sa kanilang mga opisyal ng barangay at ipinaaresto ang kaniyang misis.

Matapos ay dinala sa Commonwealth General Hospital ang biktima para bigyan ng karampatang lunas ang tinamo niyang sugat sa leeg.

Nabatid na sa loob ng limang taon pa lang na pagsasama ng mag-asawa ay nabiyayaan na sila ng tatlong anak.