Misis ni Sen. Lito apektado ng mga pino-post ni Lolit sa PrimAnda
Kinumpirma ni Senator Lito Lapid na talagang magbababu na sa ere ang loveteam nila ni Lorna Tolentino na PrimAnda sa “FPJ’s Batang Quiapo.”. Pero hindi naman daw dahil sa magtatapos na ang seryeng pinagbibidahan at idinidirek ni Coco Martin.
Ito ay dahil nga reelectionist siya (for his 4th Senate term) sa darating na Halalan 2025, kinakailangang bitawan niya ang serye bago magsimula ang campaign.
“Bawal na po kasi ang lumabas (sa TV or movie projects), eh. Nasa batas po ‘yan ng Comelec (Commision on Election),” paliwanag ng action star/politiko sa Christmas get-together with the entertainment press na ginanap kahapon (Tuesday).
Ayaw man niya na umalis sa serye ay wala siyang magagawa.
“Ayaw namin talaga na mawala sa ‘Batang Quiapo’ pero kailangang kailangan talaga dahil nasa batas po ‘yan, hindi na po pwedeng lumabas.
Nakakalungkot man po pero kailangan, eh,” aniya.
After Feb. 11, 2025, simula ng kampanya, ay hindi na siya mapapanood sa “BQ.”
Sobrang ikinatutuwa naman at ipinagpapasalamat ng action star na minahal at tinangkilik ng mga tao ang PrimAnda tandem kahit na nga ba to the point na nali-link na sila ni Lorna Tolentino at natsitsismis ngang tinototoo na nila ang tambalan.
Kasama nga rin ni LL sa get-together ang anak niyang si Chief Operating Officer of the Tourism Infrastructure and Enterprise Zone Authority na si Mark Lapid at natanong nga rin siya kung approved sa kanya ang PrimAnda loveteam.
“Actually, ‘yung loveteam po nila, pinadaan po sa amin, ang daming names na ibinigay, so tiningnan naman nina direk Coco kung sino ‘yung pupuwede sa kanya (Sen. Lito),” paliwanag ni Mark na kasama rin sa “BQ.”
Hindi na nga raw bago sa kanila ito dahil nag-click nga rin ang unang tandem ng ama niya kay Angel Aquino sa ‘FPJ’s Ang Probinsyano.’
“I think, it’s an inspiration to everyone. And kami naman, we laugh at it because it’s work, trabaho. Part of our job and nothing personal,” pahayag ni Mark.
Dagdag pa niya, siya na rin ang nagpapaliwag sa kanyang ina na si Marissa Lapid na parte lang ito ng kanilang trabaho.
Para naman sa senador, isang malaking karangalan sa kanya na tinatanggap pa rin ng mga tao na may ka-loveteam siya kahit lolo na siya.
“Sa showbiz, siguro ako na ang pinakamatandang may ka-loveteam. Mabuti tinatanggap pa ‘ko, eh , lolo na ‘ko, eh. Senior citizen na, tinatanggap pa rin na may ka-loveteam ako. Isang karangalan ‘yan.
“Icon na nga ako pagkatapos ni Eddie Garcia, eh. Pagkatapos ni Eddie Garcia, ako na ang pinakamatandang action star, kung tutuusin, 70 na po tayo at tinatangkilik pa rin.
“Parang ang tingin ko, teen-ager pa kami, ‘yung PrimAnda, ang lakas-lakas, laging pinag-uusapan. Nagpapasalamat din ako sa pamilya ko, naiintindihan nila ang trabaho ko,” sey ni Sen. Lapid.
Hirit pa niya, “Ang dami nang naghiwa-hiwalay diyan, pero ‘yung PrimAnda, matibay. Matibay ‘yung loveteam. Loveteam lang, ha?”
Tungkol naman sa tsikang nanliligaw siya o nagpaparamdam kay LT, once and for all ay nilinaw ng senador na hindi siya pwedeng makipagrelasyon sa iba dahil may asawa siyang tao.
“Si Lorna, single siya. Pwede siyang mag-boyfriend, pwede siyang mag-asawa. Eh, ako, hindi na ako pwede. ‘Yung sa amin, kiliti na lang bilang loveteam. Kasi nga, may asawa ako, nakatali ako,” he said.
Nagbigay na rin ng reaksyon si LL tungkol sa mga ipino-post ng manager ni LT na si Lolit Solis tungkol sa pagpaparamdam niya sa aktres.
“Manay Lolit, huwag mo na ulitin ‘yon, ha?” pabirong sabi niya sa manager. “Ang daming naniniwala sa ‘yo, eh. Pati si misis, naaapektuhan sa ‘yo, ‘ayaw sa ‘yo ni Manay Lolit, pinipilit mo sarili mo,’ sabi sa ‘kin. ‘Bakit, siya ba pakikisamahan ko?’ sabi ko.”
Tawanan ang lahat.
Samantala, inanunsyo ni Sen. Lapid na idinedeklara na ng Senado ang Pampanga bilang Culinary Capital of the Philippines na siya mismo ang gumawa ng bill (Senate Bill No. 2797).
Nakapasa na last Dec. 9 sa 3rd and final reading ang bill at pirma na lang ni Presidente Bongbong Marcos ang kailangan.
“Inaprubahan ng aking mga kasamahan na senador, pinagkaisahan nila na suportahan ang bill na ito dahil kilala po ang Pampanga sa masasarap na lutuin. Walang tumutol, walang nag-against. At lagi ko rin silang ipinagdadala ng mga lutong Kapampangan,” saad ni Sen. LL.