Misis ni boss ang nagpapatakbo ng ahensiya

November 3, 2021 Allan L. Encarnacion 212 views

Allan EncarnacionSABI sa mga paandar na kasabihan, behind the success of every man, there’s a woman!

Puwedeng totoo ito sa maraming pagkakataon dahil may mga lalaki na agresibong magtrabaho at magtagumpay dahil may babae silang inspirasyon. Pero huwag din nating kalilimutan na maraming kalalakihan ang bumagsak at napariwara dahil sa babae.

Mukhang ganito ang senaryo sa isang departamento ng gobyerno na naging pamoso dahil sa mga magagandang proyekto.

Ayon sa ating source, parang napukpok na hito si mister magmula nang ma-appoint siya bilang boss ng ahensiya dahil nagmukha lang siyang palamuti sa kanyang opisina na pinapatakbo ng kanyang maybahay!

Sabi ng mga nakausap natin, ang esposa ni mister ang mistulang makinang de motor na nagpapaandar ng departamento. Katunayan, hangga’t walang kindat si misis, hindi nito pipirmahan ang mga dokumento sa lamesa. Wow sa lambingan!

Kaya ang nagiging sistema ngayon sa ahensiyang ito, kay misis na lumalapit ang mga kontraktor at mga nagpapa-appoint. Pero may nakausap akong opisyal na itinatangging nakikialam si misis sa day to day business ng departamento kaya lang hindi ako naniniwala.

Unang-una kasi, kung hindi pakialemera si misis, bakit araw-araw ay nasa ahensiya siya na parang supervisor na paikot-ikot doon sa halip na nasa kanilang bahay at naglalampaso ng sahig?

Kulang na lang ay talian ni misis sa leeg ang mister niyang boss para kahit saang sulok ng opisina ay nakabuntot siya!

May isang senaryo pa umano na iyong malakas kay misis na kontraktor ay nagpapirma ng appointment para sa isang sangay ng departamento na under ng kanyang mister.

May isa pang problema ang departamento, iyong amuyong na retirado na walang ginawa kung hindi magsilbing anay sa kanyang departamento ay buhay na naman!

Itong si alyas Anay Tinapay ay wala na dapat sa ahensiya dahil nakakubra na ito ng kanyang retirement benefits. Ang problema, sumipsip nang husto sa Palasyo kaya nagulat na lang ang mga empleyado nang biglang nabuhay ang patay na may kakaibang anyo! Happy Halloween!

Na-appoint na naman si Anay Tinapay pero coterminous na sa kanyang appointing authority, ibig sabihin, kapag wala si President Duterte, wala na rin siya. Ibang klase ang pagkatakaw ni Anay Tinapay sa mga komisyon kaya lahat talaga ay gagawin para makabalik sa ahensiya.

Ang balita natin, nagpagawa ng kautusan si Anay Tinapay na lahat ng kilos, lahat ng desisyon at mga appointment ay dadaan muna sa kanya at sa misis ng kanyang boss!

Nakakalibot itong si Anaya Tinapay dahil puro pagnanakaw sa ahensiya ang ginagawa pero umaastang mabuting nilalang. Ang balita natin, lover boy din si Anay Tinapay dahil palaging may bitbit na batang bebot sa loob ng kanyang opisina na kalahati ng kanyang edad. Akala nga ng mga empleyado ay apo niya pero nang makitang magtukaan as in PDA, doon nila nalamang na jowa pala ito.

And by the way, mukhang mahal naman ni Anay Tinapay si bebot kasi inabandona nito ang kanyang misis at ang buong pamilya kapalit ng batang tsikas!

Wow, hanep si Boy 77 Viagra!

allanpunglo@gmail.com