Frasco Incoming Tourism Sec. Christina Frasco

Mindanao tourism plan ni Frasco sinuportahan

June 4, 2022 Ryan Ponce Pacpaco 205 views

Hataman: Wala nang pangil ASG sa Basilan

SUPORTADO ni Deputy Speaker at Basilan Rep. Mujiv Hataman ang plano ni incoming Tourism Sec. Christina Frasco na buksan ang turismo sa Mindanao kasaby ng paglilinaw na wala nang kaso ng mga pagdukot ang huminang puwersa ng Abu Sayyaf sa rehiyon sapul noong 2016 dahil sa pakikiisa ng mga tao sa pamahalaan para sa kapayapaan.

Kinontra ni Hataman ang umano’y ipininta ng mamamahayag na si Raissa Robles sa Mindanao sa kanyang post sa Twitter noong Hunyo 2.

Sinabi ni Hataman na walang basehan ang umano’y pangamba na posibleng dumami ang potensyal na biktima ng kidnappings sa Mindanao dahil sa plano ni Frasco.

“Gusto ko lang linawin: WALA NANG PANGIL ANG ASG SA BASILAN,” ayon kay Hataman na nagsabing resulta ito “ng maraming taon na pakikipagtulungan ng security forces, lokal na pamahalaan, komunidad at mga imam sa ilalim ng Program Against Violent Extremism na ating inilunsad maraming taon na ang nakakaraan.”

“Nais lang din natin idagdag na simula pa noong 2016, ZERO kidnappings na sa Basilan,” aniya.

“Ang mga mamamayan ng Basilan ay malaya nang nakakagalaw at nawala na ang takot na noon ay bumabalot sa aming lalawigan. Pinagtulungan namin kung anuman ang kapayapaan na tinatamasa naming mga Basileño ngayon,” sagot ni Hataman sa pangambang magiging security concern ang Abu Sayyaf Group at Basilan sa panukala ni Frasco.

Sinabi ni Hataman na ligtas at malayang nagpabalik-balik ang mga opisyal ng pamahalaan sa Basilan at nagkaroon rin ng ilang beses na laban sa lalawigan ang ligang Maharlika Pilipinas Basketball League (MPBL).

“Sa katunayan, ilang beses nang pabalik-balik ang mga matataas na opisyal ng pamahalaan dito sa Basilan. Ilang laro na din ng MPBL ang naidaos dito. Ilang beses na ding na-feature sa iba’t ibang website ang kagandahan ng mga dagat namin tulad na lamang ng Malamawi Beach na isa sa pinakamagandang beach sa buong bansa,” paglilinaw ni Hataman.

“At nitong nakaraang buwan lamang, naglabas ng pahayag ang AFP (Armed Forces of the Philippines) na wala nang impluwensiya ang ASG sa mga komunidad ng Basilan,” ani Hataman.

“We fought hard for the peace that we are enjoying now, at proud kaming mga Basileño sa achievement na ito. Kaya naman, iniimbitahan ko si Ms. Robles na dumalaw sa Basilan at personal na masaksihan ang laki ng pinagbago ng seguridad ng aming lalawigan. Nawa’y matulungan mo kami na maisulong ang Basilan bilang isang progresibong lalawigan na malaya na sa kapit ng terorismo,” dagdag ni Hataman.

Sinabi pa ni Hataman na dapat maliwanagan ang publiko magandang plano ni Frasco na pinangalanan ni President-elect Ferdinand “Bongbong” Romualdez Marcos bilang kalihim ng Departmen of Tourism (DoT).

“Ang plano ng DoT na mabuksan ang Mindanao sa turismo ay isang malaking kampanya na magbibigay ng kahulugan sa pagsisikap ng mga mamamayan tungo sa kapayapaan. Isang hakbang din ito upang lalong ma-isolate ang ASG at terorismo hindi lang sa aming lalawigan, pati na rin sa BARMM (Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao) at Zamboanga peninsula. Sana ay kilalanin ng buong bansa ang pagsisikap ng lahat dito na matanggal ang stigma ng ASG,” pagtatapos ni Hataman.

Samantala, nilinaw ni Robles sa isang Tweet na wala siyang nais saktan o ma-offend ang mga taga-Mindanao. Ipinaliwanag niya na pinapaalahahanan niya lang ang mga otoridad hinggil sa nasabing plano dahil responsibilidad nila ang kaligtasan ng mga turistang dumarating sa Pilipinas.

“I do not wish to offend people residing in Mindanao. But I just want DOT officials to be aware that opening up ‘Mindanao’ to tourism is something they should cautiously approach. When tourists come to PH (Philippines), we are responsible for their safety,” aniya.

AUTHOR PROFILE