Default Thumbnail

Mid-year bonus, ibibigay na sa mga kawani ng Manila City Hall

May 16, 2022 Edd Reyes 266 views

NAGSIMULA ng makatanggap ng kanilang mid-year bonus ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila simula sa araw ng Lunes, Mayo, 16, 2022.

Ito ang ini-anunsiyo ni Mayor Isko Moreno sa kanyang talumpati sa ginanap na pagpupugay sa watawat sa Kartilya ng Katipunan kung saan inilahad niya na isang panuntunan na ito na kanyang isinasagawa sa loob ng tatlong taon.

Ang mid-year bonus ay katumbas ng isang buwang sahod ng mga kawani ng lokal na pamahalaan na ipinamamahagi sa ikalawang bahagi ng kada taon.

“Sabi nga natin, hindi tayo kailangan lang maging magaling sa kapitbahay, kailangan, sa loob din ng ating bahay. What is due for you should be given to you as soon as possible,” pahayag ni Mayor Isko.

Pinayuhan din ng alkalde ang mga kawani na maging masinop sa kanilang natatanggap na salapi dahil walang sinuman ang makapagsasabi kung ano ang mangyayari sa mundo.

“Mas maiging makapag-impok kayo, hindi natin alam kung ano ang magiging epekto sa buhay natin sa nangyayari sa mundo,” dagdag pa ng alkalde.

Bukod sa mid-year bonus, isa pang magandang balita ang inihatid ng alkalde nang ipahayag ang tuloy-tuloy ng konstruksiyon ng 20-palapag na tig-42 metro kuwadrado tirahan na may dalawang silid-tulugan sa Pedro Residence, San Lazaro Residence, at San Sebastian Residence.

Aniya, sa mga hindi pa nakakabatid, ang 50 porsiyento ng mga unit sa lahat ng mga itinatayong gusali ay ilalaan sa mga kawani ng lokal na pamahalaan habang ang 50-porsiyento ay para naman sa publiko, partikular sa mga matatagal ng nangungupahan ng kanilang tirahan.

“So, kayong mga empleyado ng pamahalaang lungsod na buong buhay niyo na ay nangungupahan lamang at walang tigil ng kababayad ng upa buwan-buwan, sa hirap ng buhay, gusto ko, kahit paano ay magkaroon ng kapanatagan and I hope this will continue, these was design for everyone, maitaas ang antas ng pamumuhay ng ating mga kababayan,” sabi pa ni Yorme.

Inamin naman ng alkalde na mahirap ang pagdaraanang proseso ng mga aplikante kaya’t pinayuhan niya ang mga kawani na ngayon pa lang ay magsumite na ng kanilang mga dokumento kasabay ng pagtiyak na dadaan sa wasto at patas na pagsusuri ang mga papeles ng bawat benepisaryo. Ni Edd Reyes

AUTHOR PROFILE