Default Thumbnail

MHD ilulunsad ‘Super Health Centers’ sa Maynila

February 4, 2023 Edd Reyes 211 views

SA layuning gawing pinakamahusay ang mga health centers sa Lungsod ng Maynila sa pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan sa taong 2030, sinimulan na ng Manila Health Department (MHD) na gawing “Super Health Center” ang lahat ng mga health center sa lungsod.

Inanunsiyo ito ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa kanyang lingguhang programang “The Capital Report”, Biyernes ng hapon, na live na napanood sa opisyal na Facebook account ng Manila City Hall.

Sinabi ng alkalde na para maging maayos ang lahat ng serbisyo ng mga health centers sa lungsod, pina-lisensiyahan na ng MHD ang halos lahat 44 na mga sentrong pangkalusugan sa buong Maynila, mula District 1 hanggang District 6.

“Kapag may license to operate ka na, magiging PhilHealth-accredited na rin po ang ating mga health centers. So, ang ibig sabihin po noon, kapag PhilHealth-registered na po ang ating mga kababayan, mas maraming benepisyo ang matatangap nila at marami rin po yang maitutulong sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila,” pahayag ng alkalde.

Sabi pa ng alkalde, 39 na sa 44 na kabuuang bilang ng mga health centers sa Maynila ay may licensed to operate na at yung iba na wala pang lisensiya ay dahil ipinagagawa pa ang mga ito ng lokal na pamahalaan, kabilang ang tatlong nasa ipinatatayo nilang vertical housing projects.

Aniya, halos lahat ng mga programa na patungkol sa kalusugan ay ipinagkakaloob na ng MHD sa kanilang mga health centers, kabilang na rito ang dental care services kung saan libre ang fluoride application, linis ng ngipin, pagpa-pasta, at pagbunot.

Kabilang rin ang laboratory test o pagsusuri sa dugo upang malaman ang kalagayan ng kanilang kalusugan, Family Planning Services, tulad ng pagbibigay ng oral contraceptive pills, injectibles, implants, lactation amenorrhea method, IUD, condoms, vasectomy, at bilateral tubal ligation.

“Paalala lang po, hindi po kami tumatanggap ng mga request na nanggagaling po sa private hospital. Kung kayo po ay nagpa-checkup sa ating health center at may pinagawang laboratoryo yung doktor sa inyo, puwede na po ninyong ipagawa doon, pero hindi po maaari na kayo po ay magpapa-check up sa mga private clinic o hospital tapos yung laboratory test request nila ipapagawa ninyo sa ating mga health centers, hindi po yun allowed,” paglilinaw pa ng alkalde.

Mayroon na rin aniya silang Animal Bite Center sa mga piling health centers mula District 1 hanggang District 6 kaya’t pinayuhan niya ang mga kababayan na huwag ng makipag-siksikan sa San Lazaro Hospital para magpaturok kapag nakagat ng mga alaga o mga galang aso at pusa.

May Social Hygiene Clinic na rin aniyang ipinagkakaloob para sa mga tinatamaan ng HIV o iba pang “sexually transmitted infections (STIs), maging pagbibigay ng counselling at initiation ng Anti-Retroviaral Drug (ARV) at dispensing of ARV medicines.

Ayon pa sa alkalde, mayroon na ring Mental Health Clinic na naipatayo sa tulong ni District 2 Congressman Rolando Valeriano na matatagpuan sa Patricia Sports Complex sa Carmen St., Tondo na nagkakaloob ng serbisyo Lunes hanggang Biyernes mula alas-8 ng umaga hanggang alas 5 ng hapon.

AUTHOR PROFILE