Default Thumbnail

Mga Unyon ng mga Marino suportado escrow deposit sa Panukalang Batas na Magna Carta of Seafarers

April 4, 2023 People's Tonight 1245 views

NAGPAHIWATIG ng suporta ang Associated Marine Officers and Seafarers Union of the Philippines (AMOSUP), ang pinakamalaking unyon ng mga marino sa Pilipinas, sa escrow deposit provision na napapaloob sa House Bill 7325 na ang opisyal na pangalan ay “An Act Instituting the Magna Carta of Filipino Seafarers.”

Sa kanilang pahayag sa Joint Committee on Overseas Workers Affairs, Foreign Affairs, and Finance Technical Working Group, noong Marso 2, 2023, sinabi ng AMOSUP na hindi tutol ang kanilang hanay sa paglagay ng escrow deposit provision sa Magna Carta para sa mga marino dahil iyon ay proteksyon laban sa mga pananamantala ng mga ambulance chasers.

Nagbigay-linaw ang AMOSUP sa isyu matapos mailathala sa isang pahayagan na tila suportado nila ang isinusulong ng isang grupo ng mga marino na hindi sang-ayon sa escrow deposit provision ng nasabing panukalang batas.

Naipasa ang House Bill No. 7325 ng House of Representatives Committee on Overseas Workers noong nakaraang buwan na pinangungunahan ni Congressman Ron Salo ng Kabayan Party-list bilang Chairman kasama sina Congressman Sandro Gonzalez of Marino Party-list, Congresswoman Marissa “Del Mar” Magsino ng OFW Party-list, Congressman Elizaldy S. Co ng AKO Bicol Party-list, at Congresswoman Ma. Rachel J. Arenas ng 3rd district ng Pangasinan bilang mga miyembro.

Ipinasok ng House committee ang escrow deposit provision sa panukalang batas bilang proteksyon ng mga marino sa mga ambulance chasers na sinasamantala ang agarang bayaran ng mga monetary claims sa mga desisyon ng National Labor Relations Commission (NLRC) at National Conciliation and Mediation Board (NCMB) sa mga marino kahit na posible pang ma-overturn o ma-reverse ang decision sa Court of Appeals o Supreme Court.

Karaniwan, kapag nagbaba ng desisyon ang NLRC o NCMB kaugnay sa monetary claims ng mga marino, agad nilang nakukuha ito pero mahigit kalahati nito ay hindi napupunta sa kanila at sa halip ay sa mga ambulance chasers dahil ito ang mga nagbuyo sa kanila na magsampa ng reklamo at mag-file ng claim laban sa kani-kanilang mga shipowners. Kahit na wala sa kalahati ang matatanggap nilang monetary claim, tinatanggap na rin ng mga marino dahil hindi rin naman nila inaasahan na magkakaroon sila ng pera sa ganoong paraan.

Nagkakaroon ng problema ang mga marino sa oras na mag-apela sa Court of Appeals o sa Supreme Court ang shipowners at baliktarin ang desisyon ng NLRC o NCMB. Obligado ngayon ang marino na ibalik ang pera na una niya ng kinubra. Ang masama pa roon ay kailangan niyang ibalik ang buong halaga ng pera samantalang wala pa sa kalahati ang kanyang natanggap. Hindi na niya mababawi ang mahigit sa kalahati ng pera dahil napunta na sa mga ambulance chasers at wala na silang pakialam sa mga marino pagkatapos makakubra ng claim mula sa NLRC o NCMB dahil kumite na sila.

Sa pamamagitan ng escrow deposit provision na napapaloob sa Magna Carta para sa mga marino, hindi na agad makukuha ng marino at mapapartehan ng malaking bahagi ang ambulance chaser pagkatapos magbigay ng desisyon ang NLRC o NCMB dahil kailangan meron munang finality ang nasabing desisyon mula sa Court of Appeals o sa Supreme Court kung umabot ang kaso dito.

Sa ganitong paraan, mapapangalagaan ang pera para hindi agad mapunta sa mga mapanamantalang ambulance chasers pagkatapos ng judgment awards ng NLRC o NCMB na kung mabaliktad ng Court of Appeals o Supreme Court ay kadalasang nababaon sa utang ang mga marino at walang magawa kundi ibenta ang mga naipundar nitong mga ari-arian maibalik lang ang pera sa mga shipowners.

Ayon pa sa AMOSUP, ang pananamantala ng mga ambulance chasers sa mga marinong Pilipino ay isa sa mga dahilan kung bakit maraming mga foreign shipowners ay kwidaw na rin kumuha ng mga marinong Pilipino dahil sa hindi makatarungang pagsasampa ng claims na karaniwan ay dahil lang sa buyo ng mga ambulance chasers. Matagal nang pinagbabawalan ng AMOSUP ang mga miyembro nito sa pakikipag-ugnayan sa mga ambulance chasers na naglipana sa Luneta o sa mga medical clinic at mga ospital habang nag-aabang ng mga marinong nagpapagamot dun.

Nagpahayag din ang United Filipino Seafarers (UFS) at ang pangulo nito na si Engr. Nelson Ramirez na hindi sila tutol sa escrow deposit provision sa Magna Carta para sa mga marino. Isa ang UFS at si Ramirez sa matagal ng nakikipaglaban sa mga ambulance chasers at isa na rin siya ngayong voluntary arbitrator ng NCMB.

Sinabi pa ni Ramirez na hindi pabor ang AMOR o Association of Marine Officers and Ratings at sa nasabing panukala pero aniya wala naman aniyang mga miyembro ito. Sinabi rin ni Ramirez na maging ang grupong Migrante ay tutol sa nasabing probisyon sa panukalang batas gayong wala naman aniyang alam ang grupo sa nangyayari sa industriya ng pagbabarko.

Maging ang Department of Migrant Workers (DMW) at Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) ay nagpahayag ng suporta sa escrow deposit provision sa House Bill No. 7325 dahil isa itong matapang na tugon sa pananamantala sa mga marino ng mga ambulance chasers.

Pati si Congressman Raymond Mendoza ng TUCP Party-list ay ikinatuwa ang nasabing probisyon ng panukalang batas at ang pagpapasa ng Lower House ng Magna Carta bill para sa mga marino na kung ilang dekada na ring nakabinbin dahil hind naaksyunan ng mga nagdaang Kongreso.

AUTHOR PROFILE