Mga tsuper may Xmas party dahil kotong nawala

December 5, 2021 People's Tonight 58 views

Gawa ni Ping 

NAPATUNAYAN na ni Partido Reporma chairman at standard-bearer Panfilo “Ping” Lacson na mas magiging masaya ang mga Pilipino, lalo na ang Pasko ng mga tsuper ng pampublikong sasakyan, kapag natanggal ang kotong at iba pang uri ng katiwalian sa kalsada man o lahat ng ahensya ng pamahalaan.

Nilahad ni Lacson ang naging mahigpit niyang pamamalakad bilang hepe ng kapulisan at kung paano siya pinasalamatan ng mga lider ng transport group dahil guminhawa ang kanilang pamamasada sa ilalim ng kanyang pamumuno nang mawala ang mga kotong cop.

“Talagang natutuwa ‘yung mga tsuper. Katunayan, kausap ko ‘yung Pasang Masda saka ‘yung FEJODAP noong, I think, December 2000. Iniimbita ako mag-Christmas party ng mga tsuper sa Tondo,” sabi ng batikang mambabatas sa “Online Kumustahan” na ginanap sa General Trias Sports Park sa Cavite.

“General, sabi sa akin, baka pwedeng dumalo kayo sa aming Christmas party… (naging) masayang Christmas party dahil nawala ‘yung kotong, nakatipid ‘yung aming mga tsuper. Alam niyo ba kung magkano? Aabot daw ng mga P300 a day ang kanilang na-sa-save dahil nawala ‘yung kotong sa kalsada,” lahad pa ni Lacson.

Sa kanya ring pakikipagdayalogo sa mga opisyal ng tricycle operators and drivers associations (TODA) sa Tanza nitong Biyernes, sinabi ni Lacson na sa mahabang panahon ng kanyang pagseserbisyo mula pa noong siya ay nasa Philippine Constabulary, Philippine National Police at hanggang sa Senado ay lagi niyang isinasaisip ang kapakanan ng bayan.

At kung pagsasamahin ang kanilang karanasan ng running mate niya na si Senate President Vicente “Tito” Sotto III, aabot ito sa 83 taon ng public service na makakatulong umano para ibuhos nila ang anim na taon pa para maayos na maipatupad ang mga batas na kanilang ipinasa.

“Wala nang pag-iimbot, wala na ‘yung pagnanasa na ano pa bang gusto namin sa buhay, talagang serbisyo na lang. Siguro ang pinaka-selfish na lang namin na reason, ‘yung mag-iwan na lang ng magandang legacy, ‘yun lang. Pero sa ganoon, wala na,” dagdag ni Lacson.

AUTHOR PROFILE