Caravan Iba’t-ibang samahan ng siklista sa 14 na lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang sabay-sabay na nagdaos ng kani-kanilang “1-4 Alan Bike Caravan”.

Mga siklista pumedal para sa pagbabalik-Senado ni Cayetano

May 3, 2022 People's Tonight 193 views

INILUNSAD ng mga siklista nitong Linggo ang ikaapat na nationwide bike caravan bilang pagpapakita ng suporta sa kandidatura ni dating House Speaker Alan Peter Cayetano.

Iba’t-ibang samahan ng siklista sa 14 na lugar sa Luzon, Visayas, at Mindanao ang sabay-sabay na nagdaos ng kani-kanilang “1-4 Alan Bike Caravan”.

Nilibot ng mga siklista ang mga pangunahing kalsada ng La Union, Nueva Ecija, Pampanga, Tarlac, Batangas, Quezon, Iloilo, Dumaguete, Tacloban, Catbalogan, Zamboanga, Misamis Oriental, Digos, at Kidapawan.

Sumama rin sa bike caravan ang mayors, vice mayors, at community leaders ng bawat lugar.

Pahayag ng mga lumahok, inilunsad nila ang bike caravan bilang pakikiisa rin sa isinusulong ni Cayetano na eco-friendly at “lead-by-example” campaign ngayong eleksyon.

“Maganda kasi talagang exercise ang pagba-bike, at siyempre tipid sa gasolina. Tulong na rin natin sa environmental protection tulad ng sabi ni Senator Alan,” wika ng isa sa mga siklista.

“Malayo-layo rin ang napadyak natin. Sana marami tayong naabot sa mensahe ni Congressman Alan na pangalagaan ang kalikasan,” pahayag ng isa pa.

Noong nakaraang Pebrero inanunsyo ni Cayetano na hindi siya gagamit ng mga naka-imprentang campaign material gaya ng poster, flyer, at tarpaulin na aniya ay makadadagdag lamang sa libo-libong tone-toneladang basurang naiipon tuwing eleksyon.

Hindi rin siya nagsagawa ng mga motorcade na maaksaya aniya sa gasolina at nakadadagdag sa polusyon.

Hinikayat na lang niya ang kanyang mga taga-suporta na magtanim ng mga puno at mangroves, magtayo ng mga urban farm, at gamitin ang social media bilang mga alternatibo sa tradisyunal na pangangampanya.

Nagsusulong si Cayetano, na isa sa mga nangunguna sa mga pinakahuling survey para sa mga kandidato sa pagka-Senador, ng isang faith-based at values-oriented leadership sa Senado.

AUTHOR PROFILE