Edd Reyes

Mga sangkot sa masalimoot na raid sa high-end bar, kinasuhan na

June 19, 2024 Edd Reyes 121 views

TIYAK na mabibigyang linaw na ang kontrobersiyang bumalot sa ginawang raid ng Special Project Office ng Department of Interior and Local Government (SPO-DILG) sa isang high end bar sa gusali ng Hobbies of Asia sa Macapagal Blvd sa Pasay City noong Hunyo 1, 2024.

Naghain na kasi ng mga kasong robbery extortion, unlawful arrest at arbitrary detention ang mga kawani King & Queen Bar laban sa dalawang police officials na may mga ranggong Major at Captain, kasama ang halos 20 nilang mga tauhan, sa Pasay City Prosecutor’s Office.

Ayon kay Atty. John Louie Cabral, abogado ng mga complainant, may koordinasyon na silang ginawa sa Internal Affairs Office ng PNP para positibong makilala ang iba pang kasama sa pagsalakay dahil palihim na nakuhanan ng video ng isang kawani ang mga pulis habang papaalis na ng establisimiento matapos sirain ang CCTV ng bar.

Sinabi ni Cabral na ibinatay nila ang kasong robbery extortion sa pagkawala ng cash na P1.2 milyon naipon sa loob ng vault, mamahaling alak at alahas na kung susumahin lahat ay aabot aniya sa humigit-kumulang na P6 na milyon.

Nilabag din aniya ng raiding team ang police operational procedures dahil walang koordinasyon sa Pasay police at wala rin silang kasamang kinatawan mula sa Women and Children’s Protection Desk (WCPD), Inter-Agency Council Against Trafficking, at Department of Social Welfare (DSWD) kung talagang may impormasyon sila na may nagaganap na human trafficking at mga menor-de-edad na nagtatrabaho sa bar.

Magugunita na mahigit sa 70 mga babae at lalaking kawani na pawang biktima umano ng human trafficking ang sinagip ng raiding team at kinalap pati 80 mga customer kaya’t kinailangan nilang magpasaklolo sa Pasay Police Station.

Kaya lang, sinabi ni Atty. Cabral na hanggang sa kasalukuyan ay wala isa man sa mga hinuling kawani ang sinampahan ng kaso at lahat ay pinawalan din, pati mga customer, makaraan ang may 24-oras.

Bagong athletic scholars ng Navotas, umabot sa 145

UMABOT sa 145 mga estudyante sa elementarya at high school sa Navotas City na nagpakita ng husay sa larangan ng sports ang pasok sa scholarship program ng NavotaAs Athletic Scholarship Program ni Mayor John Rey Tiangco.

Sa nilagdaang kasunduan nina Mayor Tiangco, School Division Superintendent Meliton Zurbano at magulang ng mga scholars. tatanggap ng P16,500 transportation at food allowance ang mga athletic scholars at P1,599 sa uniporme at gamit, bukod sa libreng pagsasanay sa kanilang coaches na uupahan ng lokal na pamahalaan.

Pinayuhan naman si Mayor Tiangco sa mga scholars na lalu pang pagyamanin ang kanilang husay at talento sa larangan ng palakasan at panatilihin din ang mataas na grado sa kanilang pag-aaral dahil ang kanilang tagumpay at tagumpay din ng buong komunidad ng Navotas.

UHC Integration Site, itinatag sa DOH sa Navotas

INILUNSAD sa Navotas City ng Department of Health (DOH) ang pagtatatag ng Universal Health Care (UHC) Integration Site bilang bahagi pa rin ng ika-17 taong anibersaryo ng pagiging lungsod ng Navotas.

Naisakatuparan ito sa nilagdaang kasunduan sa pagitan ng DOH, Philippine Health Insurance Corp. (PhilHealth) at ni Mayor John Rey Tiangco na layuning matiyak ang karagdagang teknikal at pinansiyal na tulong sa mga Navoteños mula sa national government para sa programang UHC.

Ayon kay Mayor Tiangco, ang pagtatatag ng integration site ay naglalayon ding mapabilis at episiyente ang paraan ng pagkakaloob ng serbisyong pangkalusugan sa kanyang mga kababayan kaya labis niyang pinasasalamatan ang DOH at PhiHealt sa patuloy na suportang ibinibigay sa kanilang lungod.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected].

AUTHOR PROFILE