Lacuna Dumalo si Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan at MPD Chief Andre P. Dizon sa isang press conference tungkol sa paghahanda sa pista ng Itim na Nazareno sa Lungsod ng Maynila. Kuha ni Jon-jon Reyes

Mga replikang Itim na Nazareno maaaring lumahok sa ‘Walk of Faith’

January 3, 2023 Jonjon Reyes 224 views

MPD tiniyak na walang ‘security threat’ sa pagdaraos ng pista

LAHAT ng imahe ng Itim na Nazareno ay pinahihintulutan nang sumama sa “Walk of Faith” sa pagdiriwang ng pista ng Quiapo sa darating na Enero 9, 2023.

Sa ginanap na media conference na dinaluhan nina Manila Mayor Maria Shielah “Honey” Lacuna-Pangan at Manila Police District (MPD) Chief Police Brigadier Gen. Andre P. Dizon kasama ang Armed Forces of the Philippines (AFP), Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at iba pang mga kawani sa Lungsod ng Maynila at ahensiya ng gobyerno, para ilatag ng kura paroko at ng namamahala sa okasyon ng simbahan ang mga panuntunan sa naturang pagdiriwang.

Ayon kay Adviser Alex Irasga, wala nang tradisyunal na “Traslacion” at “Pahalik” dahil sa banta ng COVID-19, at sa halip ay gaganapin ang “Walk of Faith,” “Pagpupugay,” at mga misa sa Quirino Grandstand mula Enero 7 hanggang 9.

Ang ruta ng “Walk of Faith” ay magsisimula ng 1:00 ng madaling araw ng Enero 9, sa Quirino Grandstand patungong simbahan ng Quiapo.

Gayunpaman, kahit na walang magaganap na Traslacion para sa mga deboto ng Itim na Nazareno ay nakaantabay pa rin ang puwersa ng Philippine National Police (PNP) at MPD sa mga ruta upang maging maayos ang pila mula sa Quirino Grandstand sa Rizal Park.

Ang prusisyon ay inaasahang tatagal ng higit dalawang oras lamang sa mismong araw ng piyesta sa Enero 9.

Para naman sa mga dadalo ng misa, pinapayagan na ang full seating at standing capacity sa loob ng simbahan.

Pinapayagan na rin ang pagsusuot ng tsinelas at sapatos ng mga deboto, pagdala ng mga maliliit na replika ng imahen, wheelchair, maliliit na camera, portable chair at flashlight, at transparent na kapote.

Ipinagbabawal naman ang pagdadala ng malalaking replika, banners, drone at professional camera, selfie stick, matatalas na bagay, pyrotechnic devices, tents at picnic items, at malalaking bag.

Samantala, inihahanda na rin ang bahagi ng Quirino Grandstand para sa mga inilatag na aktibidad kaugnay sa Nazareno 2023.

‘Walang banta sa seguridad ng prusisyon – Dizon’

Walang namo-monitor na security threat o pagbabanta sa seguridad sa buong aktibidad at sa mismong araw ng kapistahan ng Itim na Nazareno sa Enero 9.

Sa pahayag ni MPD Director Dizon, “Security threats as of today, wala kaming na-monitor (na security threats),” sa ginanap na press conference para sa #Nazareno2023.

Ayon kay Dizon, sa Enero 5, ganap na alas-3 ng hapon ay gagawin ang send-off ng security forces.

Nasa 3,000 personnel aniya ang ipapakalat ng MPD sa buong paligid ng Quiapo at Quirino Grandstand sa Rizal Park, bukod pa sa 2,000 karagdagang puwersa mula naman sa National Capital Region Police Office (NCRPO).

Pagtitiyak pa ni General Dizon na “24/7” ang kanilang pagbabantay upang masiguro ang kaligtasan at seguridad ng mga deboto at pangkalahatang publiko.

Dagdag pa ni Dizon, ang MPD ay mananatiling propesyunal at flexible kung saan bukas aniya ang kanilang linya palagi para maging matagumpay ang aktibidad na ito.

AUTHOR PROFILE