PSA

Mga polisiya sa pag-update ng birth certificate dapat baguhin

October 31, 2022 Jun I. Legaspi 228 views

ISA sa pinakamaraming maling entrada sa birth certificate ay ang maling gender o kasarian.

Pinanganak na lalaki, nairehistro na babae. Ayon sa helpline ng Philippine Statistics Authority (PSA), ang maling gender ay isa lang “clerical error” kaya maaaring maitama kapag nag-file ng petition for correction of gender sa Local Civil Registry (LCR) kung saan nakarehistro ang birth certificate. Ito ay ayon sa batas Republic Act o RA 10172.

Ang hangarin ng batas ay para gawin na mas madali ang pagtatama ng mga entrada sa birth man o marriage certificate at iba pang dokumento na maliit lang ang gastos. Noong wala pa ang RA 10172 ay sa Husgado sinasampa ang petition.

Ayon sa PSA HELPline ang mga requirements na kailangan ay ang mga sumusunod: PSA copy ng birth certificate na may entradang maling gender; PSA Marriage certificate kung kasal; PSA birth certificate ng mga anak ng petitioner; school records; mga medical records mula sa accredited physician na nagpapatunay na hindi nagkaroon ng sex change or transplant ang petitioner; katibayan na walang hinaharap na kaso sa husgado – galing PNP, NBI, o employer; valid IDs, affidavit at P3,000.

Sa dami ng requirements na hinihingi ng LCR ay mukhang mas mahirap at mas magastos ang pagtatama ng gender sa LCR ayon kay Atty. Ariel Inton ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP).

Bakit kailangan pa ng “medical records issued by an accredited physician that the petitioner has not undergone a sex change or sex transplant? Aba’y sa itsura na lang ng petitioner ay malalaman mo na lalaki siya o babae. Bakit kailangan pa na patunayan ng isang accredited doctor (hindi basta doctor) na hindi siya nagpa sex transplant. Marahil kung may duda ang LCR ay sige pero kung napaka obvious naman na lalaki o babae ang petitioner bakit kailangan pa ng medical certificate from an accredited physician,” ani Inton.

“Isa pa, maski hindi accredited physician kayang kaya ng ordinaryong tao na malaman ang lalaki at babae! Gastos pa yan. At di ba requirement na i-submit din ang mga birth certificate ng mga anak at kapag kasal ay marriage contract? Hindi pa ba sapat na patunay na babae ang petitioner kapag nanganak na sya o nakasal. Bakit ginawang rule pa ang certificate ng non sex change? Ilan ba ang nagpapa sex change? At kahit ilang sex change pa gawin ay mahahalata naman sa katawan, kilos at iba pa ang kasarian ng tao! Dapat alisin na ng PSA ang requirement na ito!” dagdag pa niya.

Ayon pa kay Inton, “Isa pa ay ang certificate of no pending case? Ha?! Aba’y ibig bang sabihin na kung may kaso siya ay hindi na niya pwede itama ang gender niya sa birth certificate? Ano ang connection ng gender sa kaso? Kung may kaso bang trespass to dwelling o reckless imprudence resulting to damage to property ay aantayin pa niya matapos ang kaso para maitama gender niya? Ano koneksyon ng kaso sa pagtatama ng gender?”

“At para saan pa ang publication? Mahal ang bayad sa publication. At karaniwang may problema sa mga maling entrada sa birth certificate ay mahihirap. Hindi nila kaya ang magbayad pa ng publication. Sa totoo lang hindi naman kasalanan ng may-ari ng birth certificate ang mga maling entrada sa birth certificate nya. Hindi ba pwedeng padaliin ang requirenents at babaan ang fees?” diin pa niya.

Panawagan ng LCSP sa mga mambabatas na tingnan itong mga pahirap policies na ito sa pag-correct ng mga entries sa birth certificate at mapadali para sa tao, at sa ganitong mga problema kailangan ng tulong ng ARTA (Anti-Red Tape Authority).

Ang mga ganitong pahirap requirements ang ugat ng korapsyon sa mga ahensiya. Pahirapan sa requirements para magbigay ng padulas, saad ni Inton.

AUTHOR PROFILE