Default Thumbnail

Mga Pinoy umaasang gaganda ang buhay sa liderato ni PBBM

June 12, 2022 Vic Reyes 318 views

Vic ReyesMALAPIT na ang opisyal na pagsisimula ng trabaho ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” R. Marcos Jr. sa Palasyo ng Malakanyang.

Siyempre, marami ang umaasa na gaganda na ang pamumuhay ng mga Pinoy sa pamumuno ni Ni President Bongbong.

Lalo na ang mga mahihirap at ordinaryong Pilipino na sumuporta sa kandidatura ng nag-iisang anak na lalake ni yumaong Presidente Ferdinand E. Marcos ng Ilocos Norte.

Pero bigyan natin ng sapat na panahon si BBM para tuparin ang kanyang mga pangako sa taumbayan.

Sa bigat at dami ng mga problema ng bansa, hindi madali ang laban na kakaharapin ng bagong administrasyon.

Ang kailangan natin ay pagkakaisa at pagtutulungan at hindi pagbabangayan.

Punahin natin ang mga makikita nating hindi magandang ginagawa ng mga lingkod-bayan, lalo na sa mga ibat-ibang opisina ng gobyerno sa buong bansa.

Iparating natin sa mga kinaukulang opisina at ahensya ng gobyerno ang mga reklamo natin sa pamamagitan ng mapayapa at mahinahong pamamaraan.

***

Bakit kaya nahihirapan ang Bureau of Customs (BOC) na isubasta ang ilang puslit na mamahaling motor vehicles?

Kagaya na lang ng apat na luxury cars, kabilang ang isang 2006 Lamborghini Vin, na ilang beses ng ipinagbibili sa pamamagitan ng public auction.

Baka naman marami ng ayaw sa luxury cars dahil sa walang tigil na pagtaas ng presyo ng gasolina at sa pandaigdigang merkado.

Pero susubukang muli ng BOC at Bureau of Treasury na isubasta ang mga sasakyang ito sa Miyerkules, Hunyo 15, para makalikom ng dagdag na P22.4 milyon.

Ang tatlo pang sasakyan na isusubasta ay isang 2008 Ferrari Scuderia 430, 2001 Porsche Boxster at Mercedes-Benz E220.

Ang apat na mamahaling sasakyan ay huling sinubukang ipagbili sa pamamagitan ng public auction noong Hunyo 9.

Pero hindi natuloy ang bentahan dahil sa kawalan daw ng kuwalipikadong bidders.

Noong nakaraang Abril ay nakalikom ang BOC ng dagdag na P6.3 milyon sa pagsubasta ng tatlong luxury cars – isang bagong Mercedes-Benz G500 SUV, isang used 2001 Mercedes-Benz SLK55 at isa pang gamit ng Mercedes-Benz SLK350.

Matatandaan na bago ang COVID-19 pandemya ay sinisira ng BoC ang mga puslit na luxury cars para ipakita ng gobyerno na seryoso ito sa anti-smuggling campaign.

Pero bago matapos ang 2021 ay sinimulan muling isubasta ang mga smuggled luxury car.

Napagtanto marahil ng gobyerno na kailangan talaga natin ng pondo dahil sa laki ng ginagastos para labanan ang nakamamatay na coronavirus disease o COVID-19.

Na tama naman.

***

Sa tingin ng marami, “nagtagumpay” ang gobyerno sa kanyang dalawang taong giyera laban sa nakatatakot na COVID-19 na galing pa sa Mainland China.

Oo nga at naubos ang pera ni Juan dela Cruz pero sulit naman ang ginagastos dahil nailigtas natin ang buhay ng mga kababayan, lalo na ang mga matatanda at may mga ibang karamdaman.

Ang totoo niyan ay muli ng sumisigla ang lokal na ekonomiya dahil marami ng bahay kalakal at iba pang kompanya ang magbubukas.

Umaarangkada na rin ang dollar-oriented na turismo, na isa sa haligi ng ating ekonomiya bago tayo ginulantang ng pandemya dalawang taon na ang nakaraan.

Tuloy na tuloy na rin ang pag-resume ng face-to-face (F2F) classes sa mga pampubliko at pribadong paaralan.

Ang kailangan na lang natin ay sumunod sa mga ipinapairal na health at safety protocols ng gobyerno para huwag magkaroon ng pagsirit ng bilang ng mga kaso ng COVID-19.

Huwag natin kalimutan na nandiyan pa rin ang virus na nagpapahirap sa ibang bansa.

Mabuti na lang at nagising ang mga kababayan natin sa katotohanang mabisang proteksyon sa atin ang pagpapabakuna laban sa kinatatakutang virus.

***

(Para sa inyong komento at suhestiyon, tumawag o mag-text sa #0917-8624484/email: [email protected]. Ilagay lang ang buong pangalan at tirahan.)

AUTHOR PROFILE