Default Thumbnail

Mga pasaway na Punong Barangay, lagot kay Mayor Honey

July 20, 2022 Edd Reyes 238 views

Edd ReyesKALINISAN ang unang pinagtuunan ng pansin ni Manila Mayor Honey Lacuna-Pangan sa unang araw pa lamang ng kanyang panunungkulan kasabay ng paglalabas ng kautusan na gawing Clean-Up Day ng mga kawani ng lokal na pamahalaan at maging ng mga opisyal ng lahat ng barangay ang araw ng Biyernes,

Ugali na talaga sa mga doktor, tulad ni Mayor Honey, ang pagpapanatili ng kalinisan hindi lang sa pangangatawan kundi sa lugar na kanilang ginagalawan kaya nais niyang maging malinis ang bawa’t tanggapan, barangay hall at ang kapaligiran dahil sumasalamin ito sa magandang pag-uugali, wasto at mahusay na pagkakaloob ng serbisyo sa mamamayan.

Maaaring mapanatili ng mga opisyal at kawani ng Manila City Hall ang pagtalima sa kautusan ng Ina ng Lungsod pero paano ang ilang mga pasaway na Punong Barangay? Dito masusubok ang kakayahan ni Manila Barangay Bureau Director Diosdado Santiago kung kaya niyang disiplinahin ang ilang mga “tigasing” Kabesa at Kagawad ng barangay.

May ilan kasing Barangay Chairmen na sila pa ang nagbibigay ng proteksiyon sa mga illegal vendors na sakupin ang lansangan at bangketa na dahilan ng pagiging marumi ng kapaligiran kapalit siyempre ng tongpats.

Hindi lang yan, pinahihintulutan din ng ilan na gamitin ang barangay hall na imbakan ng paninda pero siyempre, may “storage fee” naman yan.

May mga Kabesa naman na hindi illegal vendors ang raket kundi terminal ng mga tricycle at parking area ng pribadong sasakyan ang paligid ng barangay hall, kapalit nito ang pagkakaroon siyempre nila ng sariling pakinabang.

Siguro, dapat ng simulan ni Director Santiago ang paglilibot para tuklasin kung sino ang mga pasaway na Punong Barangay na hindi tumatalima sa kautusan ni Mayor Honey Lacuna-Pangan dahil tiyak na madali naman niyang matutukoy ang mga ito lalu na’t dati naman siyang Chairman ng Barangay 28 sa Matimtiman, Tondo.

WOMEN POWER SA MANILA CITY HALL

SA mga ipinakilala ni Mayor Honey Lacuna-Pangan na mga bagong hepe ng mga tanggapan ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila, 20 sa kanila ay kababaihan na patunay lang na may tiwala ang alkalde sa kanilang kakayahan.

Kabilang rito ang Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB), ang Department of Public Service (DPS) at Manila North Cemetery na kadalasan ay lalaki ang itinatalaga dahil mabigat talaga ang tungkuling naka-atang sa kanila, pati na ang pagharap sa mga problemang kinakailangan ang matibay na paninindigan.

Hindi kasi biro ang mga reklamong idinudulog ng mga nahuhuling motorista sa tanggapan ng MTPB na ang ilan ay idinadaan sa social media ang kanilang pangungutya, pati na ang reklamo naman ng mga pasaway na illegal vendors sa DPS at mga establisimientong ginagamit bilang extension ng negosyo ang lansangan habang mga informal settlers, pagtutulak ng droga at ilegal na sugal naman ang problema sa loob ng Manila North Cemetery.

Kung sabagay, hndi naman siguro susuong sa panganib ang mga babaing hepe ng naturang tanggapan kapag may reklamong kailangang lutasin dahil may mga tauhan din naman silang sanay ng humarap sa ganitong problema para bigyan ng kalutasan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE