Default Thumbnail

Mga pasaway na motor

June 30, 2023 Allan L. Encarnacion 261 views

Allan EncarnacionMADALAS akong magising sa hatinggabi dahil sa mga motor na nagpapaingay ng kanilang tambutso sa tuwing napapadaan sa paligid ng aming tahanan sa Quezon City.

Palibhasa’y nasa korner ng dalawang kanto ang aming bahay, talagang daanan ng mga sasakyan. Iyong normal na daan ng mga behikulo, hindi naman nakakabulabog sa aming pagtulog at nasanay na kami sa mahigit isang dekada namin doon.

Ang talagang problema ay ang mga motor na open pipe at mga tricycle na grabe ang rebolusyon kahit na madaling araw or dis-oras ng gabi. Parang mga walang pakialam sa kapwa dahil talagang gigisingin ng kanilang ingay.

Natatandaan natin noong mga unang buwan ni former President Duterte, ipinagbawal na niya ang mga maiingay na motor na perhuwisyo sa mga komunidad. Sabi nga ni Digong, gusto niyang hatawin ng tambutso ang mga makukulit at pasaway na nagmomotor.

Hindi ko alam kung bakit nabibigyan ng mga lisensiya ng Tricycle Regulatory Unit ang mga maiingay na motor na gumagambala sa maraming komunidad.

Kitang-kita naman na walang mga disiplina ang mga nagrerebolusyon na mga motor pero walang TRU ang nagpapatino sa kanila.

Iyong isang insidente sa Quezon City, maingay na motor na naman ang pinagmulan. May isang residente ang naglabas ng baril na hindi naman nakatutok sa mga tao.

Bagama’t hindi namang angkop na maglabas ng baril, wala rin naman tayo sa sitwasyon para umayon sa alinmang panig. Isang bahagi pa lang ng istorya ang nakikita dahil nga may mga naglabasang video. Karaniwang naman, kung sino ang nag-video siya ang mabait at iyong kikukunan ang salbahe.

May mga nakikita pa nga tayo sa mga fastfood chain, ang babait sa video ng mga service crew habang monster ang kinukunan nilang nagagalit na customer. Pero kapag binusisi mo, sila palang mga nag-video ang pinagmulan ng galit.

Tayo naman, mula’t mula ay hindi lumulundag sa anumang naglalabasang viral video dahil nga isang parte pa lang ng istorya ang ating nakikita. Maingat tayo sa pagkokomento.

Ayaw nating magsasalita ng masama laban sa kanino man dahil sa posibleng edited video o bahagi lang ang inilabas, lalo na kung wala naman tayong alam sa tunay na pinagmulan ng isyu.

Ang hirap kayang bawiin ang mga sinasabi mong masama laban sa kanino man kapag nakita mo na ang buong picture na iyong isang panig pala ang mali at hindi iyong binira mo. Kaya nga ang moral of the story, huwag basta sumasabay sa agos, lalo na kung wala kang pinanghahawakang pundasyon ng tunay na istorya.

[email protected]