Mga pasahero stranded dahil sa prov’l buses ‘window hour’

April 20, 2022 Jun I. Legaspi 138 views

LIBO-LIBONG mga pasahero ang stranded sa mga bus terminals ng mga provincial buses matapos mag-anunsuyo na bumalik na sa 10:00 p.m. hanggang 5:00 a.m. “window hour” operations ang pagpasok ng mga buses na bumibiyahe sa Metro Manila.

Ayon sa grupo ng Provincial Bus Operators Association of the Philippines (PBOAP), balik window hour uli ang pasok ng kanilang mga bus sa Metro Manila at kailangan nilang sumunod dahil huhulihin sila ng mga traffic enforcers at papatawan ng multa at posibleng ma-impound pa ang mga bus na mahuhuli.

Sa text message ni Engineer Alex Yague, Executive Director ng (BPOAP), sinabi nito na maraming biyahe galing sa Norte ang maapektuhan lalo na yung mga advance booking dahil kakaunti lang ang mga bus na may QR (Quick Response) code at special permit at may end destination sa Bocaue North Luzon Express Terminal (NLET) ang papayagang makabiyahe.

“Sa ngayon kasi yung walang QR code at special permit, makakapasok lang sa Manila mula 10:00 p.m.-5:00 a.m. window hour kaya kulang ang bus,” saad ni Yague.

Sa hiwalay na interview, sinabi ng Public Commuters and Motorists Alliance (PCMA) sa reklamong kanilang tinanggap, karamihan ay dahil sa walang masakyan ang mga pasahero at nagsulputan ang mga “colorum” sa area ng Dau, San Fernando sa Pampanga.

Reklamo ng mga pasahero umaabot sa P1,500 per ulo ang singil ng mga colorum na bumiyahe, pumayag umano ang mga pasahero dahil kailangan nilang makarating na Metro Manila.

Pati umano ang mga carpooling na nagsulputan sa lugar ay naningil din ng parehong pamasahe.

Ayon pa sa grupo karamihan sa mga naapektuhan ng biglaang mulang pagpapatupad ng window hour ay mga nagtratrabaho sa Metro Manila na nakatira sa Central Luzon.

Nanawagan ang mga pasahero sa mga awtoridad na sana ay maayos agad ang problema dahil apektado ang kanilang mga trabaho.

AUTHOR PROFILE