Marlon

Mga paraan upang dengue maiwasan

August 8, 2024 Marlon Purification 117 views

USO na naman ang dengue!

Base ito sa pinakahuling tala ng Department of Health (DoH) kung saan ay umaatake na ito sa mga probinsiya.

Taun-taon ay ganito ang problema tuwing pumapasok ang tag-ulan.

Bukod sa problema sa baha — na hindi malaman kung hindi pa rin nasusugpo sa kabila ng P1 billion pondo na iniukol dito — kalakip ng problema sa tag-ulan ang sakit na dengue.

Ayon sa mga eksperto, kalınisan sa kapaligiran ang pangunahing sagot para masugpo ang dengue.

Partikular dito ang kalinisan sa loob at labas ng bahay, gayundin sa buong kapaligiran.

Pero kahit anong linis yata ang gawin mo sa loob ng iyong bahay, hindi pa rin mapupuksa ang problema ng dengue dahil sa labas ng ating tahanan ay tumatambad ang maruming pamayanan.

Patunay nga nitong nakalipas Bagyong Carina ay sumambulat ang mga dambuhalang basura na inaanod ng baha. Ito rin ang kalimitang dahilan kung bakit nagbabara ang ating mga kanal at imburnal na paboritong bahayan ng mga lamok na may dalang dengue.

Sabi ng pamahalaan, kailangan maging malinis tayo sa lahat ng bagay. Maging ang mga banyo ng bote, grapa, mga tapyas na gulong ng sasakyan, plorera at iba pang lalagyan na naistakan ng tubig ay dapat palaging malinis.

Alisin din ang mga damit na nakasampay sa madilim na kuwarto ng bahay, sabi pa nila.

Linisin din dapat ang mga halaman sa paligid at ang mga hindi umaagos na kanal ay linisin sapagkat nangigitlog dito ang mga lamok.

Ang mga bata na karaniwang biktima ng dengue ay hinihikayat na pagsuutin ng mga damit na may mahabang manggas at jogging pants para makaligtas sa kagat ng lamok.

Ganito rin sana ang ipasuot sa mga bata habang nasa school, ngunit problema naman sa mga pampulikong paralan na hindi aircon ang kanilang mga silid aralan.

Ayon sa DOH, wala pa masyadong pagtaas ng dengue sa Metro Manila, ngunit sa mga probinsiya ay kapansin-pansin ang pagtaas nggayon.

Sa Cordillera ay may naitala nang 9,387 kaso at 19 ang namatay mula Enero hanggang Hunyo, 2024. Ayon sa Cordillera Regional Disaster Risk Reduction Management Council (CDRRMC), mula Hulyo 21-27 may nadagdag na 728 na kaso.

Sa Negros Occidental, tumaas din ng 17.7 percent ang kaso ng dengue. Mayroon nang tatlong bata ang namatay, ayon sa report ng provincial health officer. Nagsasagawa na ng paglilinis ang lokal na pamahalaan sa mga posibleng pinamumugaran ng mga lamok.

Sa Ilocos Norte, nakapagtala ng 146 kaso ng dengue at dalawa ang namatay noong Hulyo 20. ­Pinaigting ng Ilocos Norte Provincial Health Office (PHO) ang kampanya laban sa dengue.

Ipinatutupad nila ang 5S at namamahagi ng insecticides at larvicides sa mga residente upang gamitin sa mga lamok.

Sintomas ng dengue ang mataas na lagnat na tumatagal ng isang linggo, pananakit ng ulo at mga kasu-kasuan, pagkakaroon ng rashes, at ang ihi ay kulay kape.

Ipinapayo ng mga eksperto na kapag nakaranas ng ganitong mga sintomas, kumunsulta agad sa doktor para maagapan ang dengue. Ngayong wala pang bakuna laban sa dengue ang pag-iingat at paglilinis sa kapaligiran ang tanging panlaban sa sakit.

At sa puntong ito, dapat madaliin ng pamahalaan ang pagpapabakuna sa lahat kontra dengue, harang lalo ring dapat paigtingin ang pagsusulong ng ‘segregation scheme’ sa pagtatapon ng basura.