Angelina “Helen” Tan,

Mga panukala para sa “Menu Labeling”, “National Psoriasis Care”, tinalakay ng Committee on Health

November 16, 2021 Ryan Ponce Pacpaco 274 views

TINALAKAY ng House committee on health ang panukalang batas na utusan ang mga food service establishments o restawran na magpakita ng nutritional information sa kanilang mga itinitindang pagkain.

Dininig ng komite na pinamumunuan ni Quezon Rep. Helen Tan ang panukalang naglalayong iwasan ang obesity o sobrang katabaan ng isang tao at maging ang mga pagkaing nakasasama sa kalusugan.

Iginiit ni Tan ang pangangailangan na ilagay ang calorie at nutritional value ng pagkain para sa kalusugan ng mga mamimili.

Binigyang diin sa pagdinig ang kahalagahan ng pagpapakita ng nutritional information sa mga tindang pagkain.

Ito ay inaasahang magbibigay ng mas matalino at malusog na food choices sa publiko at magsusulong ng kaalaman ukol sa kalusugan at tamang pagbabawas ng timbang, ani Tan.

Sinabi ni Tan na makakatulong rin ito sa mga mamimili sa pag-monitor ng kanilang diyeta o pagtugon sa kanilang chronic diseases tulad ng sakit sa puso at diabetes.

Ayon sa panukala, kasama sa “nutritional information” ang kabuuang dami ng calories, carbohydrates, saturated fat, protina, asin, at iba pang mahalagang impormasyon.”

Bumuo na ng technical working group (TWG) ang komite ni Tan para pag-aralan ang mga panukala at pag-isahin ang mga ito.

Inaprubahan rin ng health panel ang House Bill (HB) No. 9821 o ang “National Psoriasis Care Act” na isinusulong ni Tan na naglalayong gawing kabahagi bilang produktibong miyembro ng lipunan ang mga taong may sakit na psoriasis at makabilang sila sa pagtataguyod ng bansa.

Ang psoriasis, ayon kay Tan, ay isang pangmatagalang sakit na lubhang masakit, nakakasira ng anyo, at nagbibigay kapansanan bagamat ito ay hindi nakakahawa.

Sinasabi rin na ito ay walang lunas at tinatayang nasa dalawang milyong mga Pilipino o dalawang porsyento ng populasyon ang meron nito, ani Tan.

Sa oras na maging ganap na batas, itatayo ang National Psoriasis Care and Control Program (NPCCP) na siyang magsasagawa ng mga aktibidad upang mapabuti ang buhay ng mga taong may sakit na psoriasis at mabawasan ang bigat na dulot ng sakit.

Nagpaabot ng pasasalamat ang Psoriasis Philippines kay Tan dahil ito ang unang pagkakataon na nabigyang pansin ang kanilang hirap na pinagdadaanan dahil sa sakit at narinig ng malinaw ang ang kanilang mga hinaing.

AUTHOR PROFILE