Mga pamilyang inilikas sa Maynila bumabalik na sa kanilang tirahan

October 30, 2022 Edd Reyes 107 views

UNTI-UNTI ng nagbabalikan sa kani-kanilang tirahan Linggo ng umaga ang may 457 pamilyang inilikas ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila dulot ng walang tigil na pag-ulan dahil sa bagyong Paeng noong araw ng Sabado..

Ayon kay Manila Public Information Office (PIO) chief Atty. Princess Abante, matapos ang isinagawang pamamahagi ng food packs sa mahigit 1,744 na indibiduwal ng mga tauhan ni Director Asuncion “Re” Fugoso ng Manila Social Welfare Department (MSWC) sa mga inilikas na pamilya na pansamantalang nagpalipas ng magdamag sa iba’t-ibang evacuation sites ng Lungsod ng Maynila, ligtas silang nagsibalik na sa kani-kanilang mga tahanan.

Sa pinakahuling ulat dakong alas-12:13 ng madaling araw ng Linggo ng Manila PIO, umabot sa 180 apektadong pamilya sa Baseco, Tondo ang pansamantalang inilikas sa Baseco Evacuation Center 44 pamilya sa Corazon Aquino High School sa Port Area, 80 pamilya sa Barangay 20 Delpan Covered Court, 39 pamilya sa Brgy. 105 Covered Court, 40 pamilya sa Brgy. 101 Covered Court, dalawang pamilya sa Brgy. 128 Fugoso Covered Court at 72 sa Brgy. 275 Covered Court.

Batay naman sa ulat ng Manila Disaster Risk Reduction and Management Office (MDRRMO) kay Manila Acting Mayor John Marvin “Yul Servo” Nieto, wala silang natanggap na may nasawi o nasugatan nang manalasa ang bagyong Paeng sa lungsod habang inaalam pa nila ang halaga ng mga ari-ariang napinsala ng bagyo.

Personal na nagtungo Linggo ng umaga si Vice Mayor Yul Servo sa tanggapan ng MDRRMO bilang tumatayong pansamantalang alkalde ng lungsod habang nasa opisyal na pagliban si Mayor Honey Lacuna-Pangan upang alamin kung may nasirang imprastraktura ng lokal na pamahalaan at kabahayan dulot ng walang tigil na pag-ulan.

Nauna na ring iniulat ni Abante noong Sabado ng hapon na maliban sa bahagi ng Taft Avenue mula U.N. Avenue hanggang Padre Faura na umabot lamang ng hanggang bangketa ang tubig-baha, lahat ng mga lansangan sa Maynila ay nadaraanan naman ng lahat ng uri ng sasakyan.

AUTHOR PROFILE