Mga Paaralan ng Hurisprudensiyang Kaisipan
PARA sa mga mag-aaral ng batas, abogado, mambabatas, hukom, tagapagpatupad ng batas, at lahat ng gustong maunawaan ang paano at bakit ng mga batas, ang mga paaralan ng hurisprudensiyang kaisipan ay makakatulong ng malaki sa pagbuo ng mga palagay, pananaw, paliwanag , pagbabago, at pagpapasya upang makamit ang kaligayahan.
Ang Natural Law School ang pinakamatanda at mas makabuluhang paaralan ng Hurisprudensiyang kaisipan. Ang mga nakahilig dito ay naniniwala na mayroon isang unibersal na batas na naaangkop sa lahat ng tao na natutuklasan ng katwiran at mas mataas itong uri kaysa sa positibong batas tulad ng SIM Card Registration Act. Kung ang isang batas na nilikha ng lehislatura ay hindi makatarungan, sinasabi ni St. Thomas Aquinas na hindi ito isang tunay na batas, at hindi ito kailangang sundin. Hindi masama ang “civil disobedience.” Ito rin ang ugat ng karapatan mag-aklas at maghimagsik upang palitan ang pamahalaan kung ang mga lehitimong paraan ng pagpapalit ay hindi na epektibo, ayon kay Henry Campbell Black.
Ang paniwala na ang lahat ng tao ay may likas na karapatan o “natural rights” ay nagmula sa paaralan ng natural na batas, Tinukoy ni John Locke ito bilang mga “inalienable rights” . Binansagan naman ni Thomas Paine ang mga ito bilang “Rights of Man” na naghubad sa mga teolohikang damit na ibinihis ni St Thomas Aquinas sa paaralan ng natural na batas. Tinawag naman ng United Nations ang mga ito na “Human Rights.”
Ipinaliwanag ni Propesor Robert George ” ang mga kontemporaryong pananaw nina Propesor Finnis at Grisez bilang “bagong klasikal na teorya ng natural na batas.” Ayon sa teoryang ito, ang unang prinsipyo ng natural na batas ay hindi nakatuntong sa mga prinsipyong moral bagkus nakatuon ito , gamit ang pag-iisip, sa tatamuhing benepisyo (at hindi lamang emosyonal na kasiyahan) sa paggawa ng mabuti.
Ang Positivist School ay naniniwala na wala ng tataas pa sa mga batas na nilikha ng pamahalaan, at ang mga ito ay dapat sundin, kahit na ito ay hindi makatarungan, upang maiwasan ang anarkiya. Walang natural na batas sa paaralang ito. Sa halip, ang mga karapatang pantao ay umiiral lamang dahil sa mga batas. Ang batas ay batas at dapat itong sundin hanggang sa ito ay mabago – sa pamamagitan ng lehitimong proseso ng paggawa ng batas. Ang isang hukom na alipores ng positivist school ay malamang na ipatupad ang isang umiiral na batas kahit na ito ay hindi makatarungan.
Pinahahalagahan ng Historical School ang pinagmulan ng batas dahil hindi sapat ang pagbabasa lang ng batas. Binibigyan diin dito ang ebolusyonaryong kalikasan ng batas at tumitingin sa mga doktrinang taga sa panahon bilang gabay sa paghubog ng mga kasalukuyang batas. Ang batas ay may nakaraan, at ito ay umuusad unti-unti sa ebolusyonaryong proseso na hindi maaaring ihiwalay sa nagaganap sa bansa kung saan ito umiiral — mula sa mga alituntunin ng pamilya, sa paniniwala at pamantayan ng mga tao, hanggang sa mga mahahalagang pangyayari na humubog sa isang bansa. Kabilang sa mga pangunahing tagapagtaguyod ng paaralang ito sina: Freidrich Karl von Savigny na nagsabi na ang batas ay nagmula sa isang “voltgeist”; Sir Henry Summer Maine na sinabing kailangan din pag aralan ang mga legal na institusyon ; G.W.F. Hegel na nagsabing ang Estado ay produkto ng pagsasama-sama ng mga pwersang pangkasaysayan tungo sa isang ganap na kalayaan . Ang paaralang ito ay nagbigay inspirasyon sa mga patakarang nasyonalista. Ngunit ang eksklusibong pag-ibig para sa sariling bansa ay nagbubunga ng pagkamuhi sa ibang lahi, diskriminasyon sa mga bagong salta, pagmamataas ng lahi, mga kilusang separatista, at pagsalungat sa globalisasyon.
Ang Ligal na Realismo ay nagsusulong ng mas makatotohanan at pragmatikong diskarte sa batas at isinasaalang-alang ang mga nakagawian at ang mga pangyayari na nakapalibot dito. Malakas ang naging impluwensiya ng palagay na ito sa paglago ng Sociological School, na tinuturing ang batas na kasangkapan sa pagtataguyod ng katarungang panlipunan. Noon 1960s ang Korte Suprema ng Amerika ay naglabas ng mga desisyon na tinaguyod ang matagal nang napapabayaang mga batas para sa pantay na pagtrato sa lahat ng mamamayan, anuman ang kulay ng kanilang balat, na nagpalakas sa kilusang karapatang sibil.
Ang mga tagapagtaguyod ng paaralang ito sina: William James, na tinuring ang batas bilang paraan upang matugunan ang mga pangangailangan; Montesquieu , na nagsabi na ang batas ay dapat umangkop sa nagbabagong kalagayang panlipunan; R Von Jhering ,na nakita ang batas bilang paraan ng kaayusan sa lipunan na binubuo ng mga magkatunggaling interes; Roscoe Pound na nanindigan na ang isang magkakaugnay na lipunan ay dapat magkaroon ng padron ng kultura na tumutukoy sa ideolohiya nito; Max Weber, na binukod ang rasyonal sa irasyonal na batas; Roberto Unger,na sinabing ang batas ay may katambal na kontekstong kultural; at Eugen Erlich, na ang batas ay buhay at nakasunod sa aktuwal na panlipunang normal.