Mga nasunugan sa Tondo tinulungan ng Manila gov’t
TUMANGGAP ng kaukulang tulong mula sa Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang may 33 pamilyang nawalan ng tirahan sa naganap na sunog sa Barangay 254 sa Tondo noong gabi ng Disyembre 31, 2022.
Pinangunahan ni Manila Mayor Maria Shielah “Honey” Lacuna-Pangan Martes ng umaga ang pamamahagi ng ayudang salapi na nagkakahalaga ng P10,000 kada pamilya sa mga nasunugang naninirahan sa kanto ng Tindalo at Bambang Streets, Bgy. 254, dalawang oras bago magpalit ng taon.
Naging katuwang ng alkalde si Manila Department of Social Welfare (MDSW) Director Asuncion “Re” Fugoso sa pamamahagi ng kabuuang halagang P330,000 sa mga apektadong pamilya na pansamantalang nanunuluyan muna sa covered court ng Barangay.
Napagalaman kay Barangay Chairman Michael Rivera na sumiklab ang sunog sa isang bahay sa lugar dakong alas-10 ng gabi bago magpalit ng taon na mabilis kumalat sa mga katabing bahay na pawang gawa sa light materials.
Naapula naman kaagad ng mga nagrespondeng tauhan ng Manila Fire Department ang sunog makaraang ang mahigit kalahating oras habang inaalam pa ang sanhi ng pinagmulan nito.