Default Thumbnail

Mga nasalanta ng sunog sa Maynila, tumanggap ng tulong pinansiyal

September 21, 2022 Edd Reyes 337 views

NAGLABAS ng kaukulang pondo ang Pamahalaang Lungsod ng Maynila upang mapagkalooban ng tulong pinansiyal ang may 489 na pamilyang nawalan ng tirahan sa magkakahiwalay na sunog na naganap sa lungsod mula noong buwan ng Hunyo.

Pinangunahan nina Mayor Honey Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto ang pamamahagi ng P10,000 sa bawat pamilyang nasunugan na nagmula sa una hanggang ika-anim na distrito ng lungsod na ginanap sa Bulwagang Katipunan sa Manila City Hall Martes ng hapon.

Nagpahayag ang alkalde, pati na rin si Vice Mayor Yul Servo, ng kanilang simpatiya sa mga bawat pamilyang nasunugan na ang ilan ay may mga kaanak pang nasawi kasabay ng pagbibigay ng payo na maging maingat upang hindi na muli pang mangyari ang trahedya.

“Nakakalungkot po dahil noong mga nakalipas na tatlong linggo, tila ba sunod-sunod po yata ang sunog na nangyayari sa Maynila. So, ibayong ingat lamang po, sana po sa mga susunod na araw, huwag na po kayong maging biktimang muli ng sunog o ano mang kalamidad pero kung mangyayari man po ito, asahan ninyo na lagi kaming nakaagapay sa inyo,” sabi pa ni Mayor Honey sa mga tumanggap ng tulong pinansiyal.

Pinalakas naman ni Mayor Honey ang loob ng mga nasunugan at sinabihan na huwag mawawalan ng pag-asa dahil hangga’t may buhay aniya at may naghihintay pang magandang kapalaran.

“Hindi naman natatapos dito, hangga’t may buhay may pag-asa. At hindi naman tayo bibigyan ng ating Panginoon ng problema o pagsubok na hindi natin kakayanin. Lahat kaya natin lalong-lalo na kapag may ginagawa,” the mayor added.

Kabilang sa mga tumanggap ng P10,000 tulong pinansiyal ay ang 104 pamilya mula sa sampung barangay sa District 1; 121 pamilya mula sa walong barangay sa District 2; 33 pamilya mula sa tatlong barangay ng District 3; 39 na pamilya mula sa tatlong barangay ng District 4; 160 pamilya mula sa limang barangay sa District 5; at 23 pamilya mula sa dalawang barangay sa District 6.

AUTHOR PROFILE