Mga mini carnival, puwede na sa Alert Level 2

February 2, 2022 Edd Reyes 219 views

Edd ReyesHINDI naging madali sa loob ng mahigit dalawang taon ang buhay ng napakaraming pamilyang Pilipino dulot na rin ng pandemyang dala ng COVID-19.

Sa kabila nito, muling nasubok ang katatagan ng maraming Pilipino sa panahon ng krisis tulad ng kawalan ng trabaho sanhi ng pagsasara ng mga kompanya at maraming establisimiento, pagkamatay ng mga kaanak na nasapol ng matinding virus at iba pa pero muli at muli bumabangon para harapin ang hamon ng buhay.

Malaki rin ang naging papel ng pambansa at lokal na pamahalaan upang hindi tuluyang mawalan ng pag-asa ang marami sa pamamagitan ng paglikha ng mga kaukulang hakbang na tutugon sa nararanasang pandemya at pamamahagi ng kabuhayan sa milyong pamilyang dumanas ng kahirapan.

Ngayon ay unti-unti ng bumabangon, hindi lamang ang ekonomiya ng bansa, kundi maging ang lugmok ng kabuhayan ng maraming pamilyang Pinoy at marahil, natututo na rin ang nakararami ng mga wastong pamamaraan na noon pa man ay itinuturo na ng gobyerno upang maiwasan ang hawahan.

Pero sadya sigurong magaling ang maraming Pinoy sa pakikipagsapalaran sa pagbabaka-sakaling kumita ng malaki sa pamamagitan ng paglahok o pagpusta sa legal o kahit ilegal na sugal ng hindi alintana ang panganib ng hawahan ng mapanganib na sakit,

Isa na rito ang ilegal na tupada na kahit nasa ilalim na ng Alert Level 3 ang Metro Manila ay marami pa ring nahuhuling kalalakihan na nagtitipon-tipon para pagpustahan ang paglalaban ng kani-kanilang panabong na manok na malinaw na paglabag, hindi lamang sa umiiral na batas laban sa ilegal na sugal kundi sa pagpapairal ng social distancing at wastong pagsusuot ng face mask.

Maging ang legal na online o e-sabong ay dinadagsa rin ng marami at makikita ito sa mga Off Cockpit Betting Station kung saan kumpol-kumpol at dikit-dikit ang mga nanonood ng salpukan ng mga panabong na manok sa malaking telebisyon.

Hindi lang yan, sa matataong lugar na karamihang tirahan ng maralitang pamilya, sumusulpot naman ang mga kubrador ng ilegal na jueteng, lotteng at EZ 2 kaya’t kahit marami na sa kanila ang nahuhuli, muling bumabalik sa pangungubra dahil hindi nadarakip ang mga operator na silang promotor ng ilegal na sugal.

Ang isa pa sa lalung malaking panganib na naka-amba sa posibleng hawahan na magdudulot ng pagtaas na muli ng kaso ng COVID-19 ay ang pagbubukas ng peryahan o mga mini carnival sa mga lugar na nasa ilalim na ng Alert Level 2.

Maaaring maging maingat ang mga magulang ng mga batang mag-aaya sa mga peryahan para maranasang sumakay sa iba’t-ibang amusement rides pero ang nakakapangamba, hindi lamang kasi mga amusement rides ang nasa loob ng karamihan sa mga itinayong peryahan kundi nakakalusot din kasi ang ilang mga game of chance tulad ng drop ball, illegal numbers game at roleta na karaniwan ng ino-operate ng mga kilala na ring illegal gambling operators.

Ganito ang nangyari sa ilang mga itinayong peryahan sa area ng Bulacan noong hindi pa idinedeklara sa lalawigan ang Alert Level 3 dahil mas dinadagsa pa ng mga tao, karamihan pa nga ay mga kabataan, ang mga ilegal na sugal kumpara sa mga amusement rides.

Buti na lang, kaagad na naipasara ang mga peryahan sa Bulacan nang ideklara ang Alert Level 3 sa panahon ng pananalasa ng Omicron variant kaya’t sarado rin ang mga palaro ng ilegal na sugal.

Pero sabi ng kumare kong si Maritess, ang latest ay posible raw magbukas na muli ang mga peryahan sa lalawigan ng Bulacan kaya dapat siguro ay maging alerto ang mga tauhan ng Bulacan Provincial Police Office para matiyak na hindi na muling mamutiktik ang mga illegal numbers game na pinagkukumpulan ng maraming tao.

CHINATOWN AREA, DINAGSA SA CHINESE NEW YEAR

NAGPADALA ng mensahe ang isang malapit na kaibigan upang ibahagi ang kanyang pagkabahala sa nangyaring pagsisiksikan ng napakaraming tao nito lamang araw ng Martes sa Chinatown area sa Binondo sa araw ng pagdiriwang ng Chinese New Year, kasabay ng pagsasailalim sa Alert Level 2 sa Metro Manila.

Marahil, hindi talaga maiwasan na dagsain ng maraming tao ang Chinatown area dahil dito ang sentro ng kasiyahan sa tuwing sasapit ang Chinese New Year kaya’t inakala nila na tuloy na muli ang bonggang-bonggang selebrasyon dahil sa ibinabang alert level.

Masiglang-masigla nga raw, sabi ng aking kaibigan, ang buhay at negosyo sa Ongpin at mga katabing lansangan noong araw na iyon dahil puno ang mga restaurant, dagsa ang tao sa mga bilihan ng pampabwenas at maging mga ambulant vendors ay bumenta ng husto.

Noon ding araw na iyon, inilabas ng DOH ang bilang na 9,493 na bagong kaso ng COVID-19, isang araw bago ang selebrasyon, na pinakamababa mula ng pumutok ang Omicron variant.

Siguro, nasabik ang maraming tao na muling makalabas at maranasang muli na maging normal ang buhay ng hindi alintana ang posibleng panganib muli ng hawahan. Sana naman, matuto na ang marami para magtuloy-tuloy na ang pag-angat ng kabuhayan at ekonomiya ng bansa.

Sa mga nais magpadala ng komento o mungkahi, mag-email lang sa eddreyes2006@yahoo.com o mag-text sa 0923-3478363.

AUTHOR PROFILE