Default Thumbnail

Mga Malabonian bumilib kay Mayor Jeannie Sandoval

August 24, 2022 Edd Reyes 522 views

Edd ReyesMAGANDA ang imahe ngayon ni Malabon City Mayor Jeannie Sandoval sa mamamayan ng lungsod dahil na rin sa kanyang sinseridad at sipag sa trabaho na bukas sa mata ng publiko.

Personal kasi niyang pinangangasiwaan ang mga inilatag niyang proyekto at programa at siya mismo ang tumututok sa pagpapatupad nito, malalaki man o simpleng aktibidad.

Kahit nga simpleng binyagan o pagdiriwang ng kaarawan ng mga simpleng mamamayan ay kanyang dinadaluhan at nagpapaunlak din sa imbitasyon kapag may pa-liga ng basketball ang barangay, pati na ang mga idinaraos na kapistahan.

Nang ilunsad nga niya ang paglilinis ng ilog at iba pang daluyan ng tubig, hindi siya natakot na sumakay sa bangka para pangunahan ang paglilinis ng ilog at mga estero na hindi inalintana ang panganib na baka tumaob ang sinasakyang bangka.

Hands-on din siya sa paghahanda sa pagbubukas ng face-to-face classes at nilibot ang mga pampublikong paaralan sa lungsod para personal na pangasiwaan ang pagkakaloob ng almusal sa mga estudyante sa tulong ng binuo niyang Mobile Kitchen.

Hindi lang ang mga mag-aaral ang nabiyayaan ng libreng pagkain ng Mobile Kitchen ni Mayor Jeannie dahil regular itong umiikot sa iba’t ibang barangay upang mamahagi ng mga pagkain at food packs, kasama mismo ang alkalde, dahil sa hangaring maibigay ang wastong nutrisyon at wastong pagkain sa lahat.

Nito lamang Lunes ng gabi, personal niyang pinuntahan ang bahay ng babaing pinatay at ginahasa sa Brgy. Baritan para iparating ang taos-pusong pakikiramay sa mga naulila ng biktima, kasabay ng paglalabas ng utos sa pulisya na tutukan ang kaso, na nagresulta kaagad sa pagkakadakip sa suspek.

Kapag ganyan ang ipinamamalas na sipag sa trabaho at katapatan sa paglilingkod ni Mayor Jeannie, malamang na mahihirapan na ang magtatangkang bumangga sa kanya sa 2025 local election.

AMOY PASKO NA SA ANGELES CITY

Ngayon pa lang ay amoy Pasko na sa Angeles City, Pampanga dahil pinalagyan na ni Mayor Carmelo “Pogi” Lazatin ng bonggang-bonggang ilaw-pamasko ang mga pangunahing lansangan na labis na ikinagalak ng mamamayan at mga dumadayo sa lungsod.

Gabi-gabi ay napakaraming tao sa lansangan dahil marami ang gumagala at namamasyal sa paligid bunga ng makulay na ilaw na talaga namang atraksiyon, lalu na sa mga kabataan.

Kaya lang, sinamantala rin ng mga ilegalista ang dami ng tao tuwing gabi dahil patago nilang nilagyan ng mga mesa ng illegal numbers game ang mga lugar sa Pandan Road Toda Zone II, Sapalibutan Road at maging sa terminal ng tricycle sa Brgy. Anunas.

Hindi pa lang siguro nakakarating sa kaalaman ni Mayor Pogi Lazatin ang pananamantala ng mga operator ng illegal numbers game na sina alyas Ricky, Eric at Larry kaya hindi pa kumikilos sina Provincial Director P/Col. Alvin Consolacion pero tiyak na kapag nakumpirma ito ng alkalde, baka hanggang kay Police Regional Office (PRO) 3 Director P/BGen Cesar Pasiwen ay isumbong niya ang ilegal na aktibidad.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE