Mga mahihirap sa QC nabiktima na naman

November 1, 2021 Allan L. Encarnacion 235 views

Allan EncarnacionKUNG naging masaya ang mga taong nasa likod ng fake news para sa P10K at P20K ayuda ng QC, aba’y binabati namin kayo kasi marami kayong taong napinsala.

Nakakalungkot dahil ang mga taong kumikilos para wasakin si Mayor Joy Belmonte ay kinasangkapan ang mga kababayan nating mga mahihirap na biktima na nga ng halos dalawang taong pandemic, nagawa pa silang paglaruan.

Nitong Biyernes, sumugod sa Quezon City hall ang sangkatutak na residenteng naniwala sa fake news na pipila lamang ay bibigyan na sila ng P10,000 ayuda at P20,000 puhunan sa negosyo.

May totoong Pangkabuhayan Program ang QC government pero alam naman natin kung gaano kaingat ang lungsod sa pagpili sa mga beneficiaries ng P20K startup capital. Kilala ang QC sa pagiging masinop sa paggamit ng kanilang pondo kaya nga sila lang ang lang local government na nabigyan ng “unqualified opinion” ng Commission on Audit. Maging ang mga national government agency ay hindi pa nabigyan ganitong klase ng parangal kaya puwede nating sabihing dito humugot ng agenda ang mga walang magawa sa buhay na nagpakalat ng fake news.

Ang problema lamang sa ginawa ng mga anti-Joy, pinahirapan nila ang mga kababayan nating hirap sa buhay. Paano kung nagkaroon ng stampede o may mga namatay sa mga taong nagsuguran sa city hall? Kunsabagay, matutuwa ang mga may kagagawan nito dahil kilala naman silang walang malasakit sa bayan.

Kaya nga nanawagan tayo sa mga kapwa ko residente ng Kyusi na kilatisin nyo mabuti ang mga pulitikong ginagawa kayong laruan. Kung ngayon nga na wala pa sila sa puwesto ay binababoy na kayo, ano pa kaya ang puwede nilang gawin sa inyo kapag nabigyan sila ng posisyon?

Kilala nyo naman kung sinu-sino ang may pakana ng fake news na yan kaya tandaan nyo ang kanilang mga mukha para hindi na kayo malinlang pa. Puro lider ng sindikato ang mga yan kaya iwasan nyo sila.

Ang iba dyan, sangkot sa maraming katiwalian sa gobyerno mula noon hanggang ngayon, ang isa naman, nagpapanggap din na makamahirap pero ninakawan ang mga pobre sa pamamagitan ng Tupad program ng DOLE.

Kung ganyang klase ng mga tao ang humihingi ng inyong boto, aba’y nanganganib kayo kapag nakapuwesto ang mga yan.

Batuhin nyo ng bugok na itlog ang kanilang posters para makaganti kayo.

allanpunglo@gmail.com