Default Thumbnail

Mga Lungsod ng CAMANAVA, nakopo ang Seal of Good Local Govenance

December 20, 2023 Edd Reyes 440 views

Edd ReyesNAKOPO pala ng apat na lungsod sa hilagang bahagi ng Kamaynilaan ang mataas na parangal na Seal of Good Local Governance (SGLG) mula sa Department of the Interior and Local Government (DILG) para sa taong 2023.

Sa 11-lungsod sa National Capital Region (NCR) na pumasa sa 2023 SGLG program, pasado ang Caloocan, Malabon, Navotas, at Valenzuela (CAMANAVA) sa 10 mga panuntunan kaugnay sa wastong pamamahala na itinakda ng Department of Interior and Local Government (DILG).

Nagpamalas nga ng pagpapakumbaba si Navotas City Mayor John Rey Tiangco nang tanggapin ang parangal, kasama si Vice Mayor Tito Sanchez noong nakaraang linggo sa Manila Hotel pero buong pagmamalaki naman niyang inihayag ang muling tagumpay sa ika-5 pagkakataon.

Tumanggap na rin kasi ng SGLG ang Navotas City noong taong 2015, 2017, 2019 at 2022.

Pinasalamatan din ni Mayor Tiangco ang lahat ng mga opisyal at kawani ng lokal na pamahalaan sa suporta at kooperasyon dahil para naman aniya sa mga Navoteno ang tinanggap na parangal.

Labis din ang pagpapa-abot ng pasasalamat sa DILG ni Caloocan City Mayor Dale Gonzalo “Along” Malapitan sa ika-7 sunod na parangal, pati na rin sina Valenzuela City Mayor Wes Gatchalian at Malabon City Mayor Jeannie Sandoval, matapos tanggapin ang parangal.

Para kasi makatanggap ng SGLG, kinailangang pumasa sa 10 kategorya sa wastong pamamahala ang lokal na pamahalaan kabilang ang Financial Administration, Disaster Preparedness, Social Protection and Sensitivity, Health Compliance and Responsiveness, Sustainable Education, Business-Friendliness and Competitiveness, Safety, Peace & Order, Environmental Management, Tourism, Heritage Development, Culture and the Arts, at panghuli ang Youth Development.

Ngayong taon, may tatanggaping insentibo ang mga SGLG awardees na nagkakahalaga ng P2.3 milyon.

Dinanas na kalamidad, binabaon sa limot ng mga taga-Oriental Mindoro

SABIK na dinagsa ng mga tao ang mga peryahan sa walong bayan sa Oriental Mindoro ngayong panahon ng Kapaskuhan kahit hindi pa halos nakakabangon ang ilang barangay sa naranasang oil spill at pagbaha kamakailan na dulot ng walang tigil na buhos ng ulan.

Magandang senyales ng unti-unting pagbangon ng mga taga-Oriental Mindoro sa naranasang kalamidad ang kanilang pagdagsa sa mga lugar na nagdudulot sa kanila ng kasiyahan, lalu na sa mga kabataan, dahil palatandaan lang ito na madali silang maka-recover sa naranasang kapinsalaan.

Kaya naman tutok na tutok ngayon sa mga bayan ng Roxas, Bongabon, Bansud, Gloria, Pinamalayan, Victoria, Calapan at maging sa Naujan na labis na sinalanta ng pagbaha si Provincial Police Director P/Col. Samuel Delorino para matiyak na magiging payapa at walang gulo sa mga peryahan na dinadagsa ng mga tao.

Kaya lang, dapat sigurong bantayan din ni Col. Delorino ang paglalagay ng ilegal na sugal sa peryahan ng ilang mga nagsasamantala sa pagdagsa ng tao, dahil hindi malayong maging mitsa ito ng kaguluhan.

Kabilang sa mga naglatag ng ilegal na sugal sa naturang mga bayan sina alyas Joebert, Bong, Felix, Beljun, Dayu, at Leony na dumayo lang pala sa lugar para gumawa ng ilegal na aktibidad.

Kauupo pa lang kasi ni PBGen Roger Quesada bilang bagong Director ng PRO-4B o MiMaRoPa kaya siguro malakas pa ang loob ng mga ilegalista na maglatag ng ilegal na sugal habang abala naman sa pagpapalakas ng ekonomiya at kabuhayan si Gov. Humerlito “Bonz” Dolor matapos makaranas noong nakaraang buwan ng kalamidad ang ilang bayan.

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa [email protected]

AUTHOR PROFILE