Mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila may bonus pang muli

December 14, 2022 Edd Reyes 90 views

Edd ReyesMASUWERTE ang mga kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila dahil posibleng tumanggap pa silang muli ng karagdagang Christmas bonus kung sakali at pahintulutan ito ng national government.

Dahil sa mahusay na pamamalakad ni Mayor Honey Lacuna-Pangan, may sapat pang pondo ang Manila City government para magpamahagi ng karagdagang bonus sa mga kawani na bukod sa tinanggap na nilang 13th month pay at Christmas bonus kamakailan.

Sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga opisyal at kawani ng Pamahalaang Lungsod, sinabi ng alkalde kapag nag-anunsiyo ang national government na puwede pang magkaloob ng bonus, mabilis pa aniya sila sa alas-4 na kaagad itong ipamamahagi. “Tandaan ninyo, ako rin, may matatanggap kung may matatanggap kayo,” pagtiyak pa ng Mayora bilang pahiwatig ng kanilang kahandaang magpamahagi ng panibagong biyaya sa mga opisyal at kawani.

Nakakatuwa lang dahil hindi lang naman mga kawani ang binibigyan ng importansiya nina Mayor Lacuna-Pangan at Vice Mayor Yul Servo Nieto kundi higit sa lahat ay mga senior citizen, kabataang estudyante at mamamayan ng lungsod pati sila ay may biyaya ring tinatanggap.

Sa susunod na taon, tiyak na lalu pang maganda ang mga biyayang darating sa mga taga-Maynila dahil sapat ang malaking budget na inilaan ng Sangguniang Panlungsod para tustusan ang mga proyekto at programa ni Mayor Lacuna-Pangan para sa taong 2023.

Insureksiyon, malaking hadlang sa pag-asenso ng maraming lalawigan

SA sa malaking hadlang sa pag-asenso ng kabuhayan at ekonomiya ng ilang mga malalaking lalawigan ang problema sa insureksiyon o pananatili ng mga rebeldeng grupong naghahasik ng takot at sindak sa mga negosyante.

Sino nga ba namang malalaking negosyante ang mamumuhunan sa isang bayan o lungsod sa mga lalawigan kung dalawang uri ng buwis ang kanilang babayaran, isa sa pamahalaan at isa sa mga rebelde?

Kung tutuusin, maraming mga bayan sa malalaking lalawigan ang matagal na sanang umasenso dahil nasa kanila ang produksiyong pang-agrikultura at turismo pero ayaw sumugal dito ng mga malalaking negosyante sa pangamba na rin sa pananatili roon ng mga rebelde.

Nito lang nakaraang linggo, 14 na rebeldeng New People’s Army (NPA) sa Batangas ang sumuko kay Police Regional Office (PRO) 4-A (Calabarzon) Director P/BGen, Jose Melencio Nartatez na magandang palatandaam sa pagsisimula ng pag-asenso sa naturang lalawigan.

Pero hindi lang sa Batangas kasi may problema sa NPA sa Calabarzon kundi maging sa Quezon, Laguna at Rizal Province na dapat ding tutukan ni Gen. Nartatez lalu na’t may potensiyal ang mabilis na pag-asenso ng naturang mga lalawigan kung wala na sanang insureksiyon.

Ang kaso, hindi lang NPA ang problema ni Gen. Nartatez sa kanyang nasasakupang rehiyon dahil mayroon pa siyang dapat tutukang problema tulad ng ilegal na droga, ilegal na sugal at iba pang uri ng criminal activities.

Dapat sigurong kumilos na rin ang mga provincial director at maging hepe ng pulisya ng mga bayan at lungsod para matulungan si Gen. Nartatez sa pagsugpo sa iba pang ilegal na nagaganap sa rehiyon. Hindi naman kaila na hanggang ngayon ay talamak sa mga bayan ng Taytay, Tanay, Binangonan, Morong at maging sa Lungsod ng Antipolo sa Rizal ang mga ilegal na pasugalan na nagiging ugat na rin ng paggamit ng ilegal na droga.

Ang problema, nagkukubli ang mga ito sa ipinagkaloob na permiso ng mga munisipyo at lungsod na dahilan para hindi makakilos ng husto si Rizal Provincial Director P/Col. Dominic Baccay at maging ng mga municipal at city police chiefs. Ang tanong nga lang, sakop ba ng business permit ang ilegal na pasugalan?

Sa puna, komento at suhestiyon, mag-text lang sa 0923-347-8363 o mag-email sa eddreyes2006@yahoo.com

AUTHOR PROFILE