Default Thumbnail

Mga kawani ng Manila City Hall may ‘dagdag bonus’

November 22, 2022 Edd Reyes 281 views

KUMPIYANSA ang mga kawani ng lokal na pamahalaan ng Lungsod ng Maynila na mayroon pang “sorpresang” bonus silang matatanggap bago sumapit ang araw ng Pasko.

Bukod ito sa tinanggap nilang year-end bonus na katumbas ng isang buwan nilang sahod at karagdagang P5,000 cash gift na ipinamahagi na ni Mayor Maria Sheilah “Honey” Lacuna-Pangan noong nakaraang araw ng Biyernes.

Sa kanyang pagsasalita sa harap ng mga kawani sa ginanap na pagpupugay sa watawat nitong araw ng Lunes, sinabihan ng alkalde ang mga kawani na huwag namang ubusin ang natanggap na salapi lalo na’t isang buwan pa bago sumapit ang Pasko.

“Sana, huwag naman po ninyong ubusin at mawala na lang sa isang iglap, magtira naman po kayo kahit kaunti, malay ninyo, may maganda pa tayong balita sa mga susunod na linggo,” pahayag ng alkalde na umani ng kasiyahan at palakpakan sa mga dumalong kawani.

“Handa ka na ba Madam Treasurer?” pahabol pang tanong ng alkalde kay Manila City Treasurer Jazmin Talegon na lalo pang ikinagalak ng mga kawani.

Sabi pa ng alkalde, ito ay isang patunay lamang na ang pamahalaang lungsod ay sinisikap na maging episyente sa lahat ng kailangang gawin, lalo na patungkol sa pondo, upang maibigay ang mga karapat-dapat na benepisyo sa bawat kawani na naglingkod sa lokal na pamahalaan ng 365 na araw.

Nauna ng ipinamahagi ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila ang year-end bonus at cash gift sa may 8,700 na kawani noong Biyernes, Nobyembre 18, habang ini-anunsiyo na rin niya ang pamamahagi ng Christmas gift boxes sa lahat ng mga residenteng naninirahan sa lungsod simula Disyembre 1.

AUTHOR PROFILE