Mga karanasan sa kainan

June 24, 2022 Allan L. Encarnacion 145 views

Allan EncarnacionNAIKUKUMPARA ko palagi ang restaurant workers dito sa atin at sa ibang mga bansang napupuntahan natin.

May mga pagkakataon din na maoobserbahan mo ang diperensiya ng service crew dito mula sa 5-star hotels hanggang sa mga maliliit na kainan.

Kahit sa mga takeout mula sa fastfood chain hanggang sa mga full-dining restaurant, marami kang makikita na kailangan ng big improvement para sana mas mapaganda pa ang negosyo.

Karaniwan, kapag nasa mga kainan ako, hotel man o malaking restaurant, walang mga spotter na incharge. Ibig sabihiin, kapag ang dining mo ay karaniwan lang ang laki, halimbawa 50 square meters or less, dapat may isa kang spotter. Kapag 100 to 200 sqm pataas, dapat dalawa hanggang tatlo ang spotters.

Ang spotter ay iyong walang gagawin kung hindi nakatingin sa dining area para kahit anong oras tumawag o magtaas ng kamay ang customer, siya agad ang pupunta or siya agad ang tatawag sa service crew para puntahan ang guests.

Hindi ko alam kung nangyari na sa inyo ito, iyong halos mapilayan ka na pagtawag sa mga waiters, wala pa ring tumitingin sa iyo. Ang dahilan, busy silang lahat sa kuwentuhan ng kani-kanilang mga buhay o nagbibidahan sa napanood na telenovela noong gabi.

Iyon bang miss na miss nila ang isa’t isa kaya kailangang sila ang magkakausap at bahala na sa buhay nila ang customers. Kaya kung mabubulunan ka na, malas mo!

Madalas, napapatayo ako sa counter or sa bar para tawagin lang ang kanilang atensiyon. Doon pa lang may pupunta sa iyo pagkatapos ng ilang minuto mong pagkaway-kaway sa kanila.

Nangyari na rin siguro sa inyo ito, iyong humingi ka ng suka na may sili or patis at kalamansi pero tapos ka nang kumain, iyong dalawang waiter na sinabihan mo, hindi dumating at busy na sa ibang customers.

O kaya naman, matagal ka nang naghihintay ng order mo, tapos nakita mong hawak ng isang service crew papunta na siya sa iyo. Sa wakas, maiibsan na ang gutom. Tapos biglang may itatanong iyong kapwa niya waiter tungkol sa karugtong ng kanilang kuwentuhahn, titigil siya at makikipagkuwentuhan ulit. Walang kamay-malay na hawak niya iyong pinakahihintay mong order.

Ikaw naman na gutom na gutom na, nakatunganga sa kanilang masarap na kuwentuhan. Pag naalala niya iyong dala niyang sabaw, hayun, malamig na pag lapag sa table mo! Kakatuwa di ba?

Madalas din, kumpleto na ang order nyong pagkain, ang wala naman ay ang kutsara’t tinidor. Iyong dalawang service crew na naghain, bigla na lang aalis kaya hahanap ka na naman ng waiter para humingi ng spoon and fork. Tsaka ka pa lang makakain kapag buwenas na naalala na wala nga pala silang inilagay na utensils sa table.

Ang mabigat dito, habang kumakain ka, hihingi ka pa ng tissue, hihingi ka pa ng tubig, hihingi ka pa ng platito para sa mga sawsawan. Nagmumukha ka tuloy palautos gayong sila ang sablay sa serbisyo.

Bihira kang makakita na iyong table na daratnan mo ay naroon na lahat. Kung may pera nga rin lang, mas maganda talaga kumain sa mga fine dining restaurants dahil walang stress sa paghingi ng mga kailangan mo at attentive ang mga service crew.

Ito rin madalas kong maranasan sa takeout naman. Iyong tatlo hanggang apat na klase ng ulam na order mo, madidikusbre mo na pang sa bahay nyo kulang ng isang putahe or iyong dalawang putahe ay magkapareho. Nangyayari din yan sa drive-thru kaya lang wala kang magawa dahil napalakayo na ng nilakbay mo para balikan ang kinulang ng order.

Ang karaniwang napapansin kong mabilis ay pag nag-bill ka na, maagap sila. Ang problema naman karaniwang sa billing, mapapanghal ka sa kahihintay sa sukli. Ang dahilan, busy talaga sila sa kuwentuhan ng kani-kanilang mga buhay.

Hindi naman mahirap ang magtrabaho sa food service kung talagang nasa puso mo lang ang trabaho at naka-pokus sa iyong ginagawa. Malawak ang negosyo ng mga kainanan, multi-billion industry ito kahit saang bansa.

Hinahanap ko madalas sa mga restaurant sa atin iyong mga katulad ng kinakain namin na Taiwan Beef Noodles sa Canton Road sa tapat ng Prince Hotel sa Hong Kong.

Sangkatutak ang customers pagpasok mo, as in puno, minsan pila pa, pero pag nakaupo ka na at nakuha na ang iyong order, swak talaga, naroon lahat.

At habang wala pa ang order mo, sunud-sunod na dumarating sa table mo ang hot tea, ang appetizer na mani or atsara, ang mga chopsticks at palaging ready ang dalawang set ng tissue box na may toothpick na. Hindi pa man sila tapos ng pag-asikaso sa table mo, dumarating na isa-isa ang order. Sobrang bilis ang napaka-efficient ng kanilang service. Sa billing at suklian, hanep sa kidlat. Maraming restaurant sa HK na ganyan ang istilo ng food service, matutuwa ka sa bilis. Isang taas mo lang ng kamay, kaagad may spotter na sisigaw at ituturo ka.

Hindi ko alam kung kaya dito sa atin ang ganyang klase ng food service. Ang maganda sa kanila, hindi nila miss na miss ang isa’t isa dahil mas gusto nilang pagsilbihan ang mga customers na bumubuhay sa negosyo nila.

allanpunglo@gmail.com