Ariel Inton

Mga grupo nanawagan sa DOTr na buhayin ang ‘Libreng Sakay’

January 3, 2023 Jun I. Legaspi 282 views

MARIING nanawagan ang commuter at transport groups kay Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime J. Bautista na gamitin na agad ang pondo nakalaan sa EDSA Carousel para sa “Libreng Sakay” program.

Ayon kay Atty. Ariel Inton, founder ng Lawyers for Commuters Safety and Protection (LCSP), walang dahilan para “i-delay” pa ng DOTr ang pagpapatupad ng Libreng Sakay program sa EDSA Carousel dahil ang pondong nakalaan dito ay aprubado ng Kongreso at pasok sa General Appropriations Act (GAA).

Gaano man kalaki o kaliit ang pondong inilaan sa EDSA-Carousel Program walang dahilan para i-delay ito, ang dapat ay ipatupad agad ito dahil appropriated at aprubado ito ng Kongreso, saad ni Inton.

Ayon kay Inton napakahalaga ng Libreng Sakay program sa mga ordinaryong mamamayan na sumasakay dito lalo ngayon na talagang lahat ng bagay ay pataas nang pataas kasama na dito ang pamasahe sa mga public transportation gaya ng EDSA Carousel.

“Hindi kailangan ang timing ng pagpapatupad nito kung kailan meron ng nanalong bidder sa EDSA-Carousel,” saad ni Inton.

Ayon sa mismong report ng DOTr, merong aprubadong P1.285 Billion para sa SCP (Service Contracting Program) sa ilalim naman ng 2023 GAA.

Kinumpirma rin ng ilang senador na naglaan sila ng pondo para sa nasabing programa at nanawagan din ang publiko kay Bautista na ibalik agad ang “Libreng Sakay” sa EDSA-Carousel.

AUTHOR PROFILE