Tolentino

Mga gobernador, nagkaisa para kay Tolentino

February 9, 2025 People's Tonight 125 views

NAGKAISA ang mga gobernador mula sa League of Provinces of the Philippines (LPP) at partido ng administrasyon na Partido Federal ng Pilipinas (PFP) para suportahan ang reeleksyon ni PFP senatorial bet Senate Majority Leader Francis ‘TOL’ Tolentino.

Nakipagpulong ang mga gobernador kay Tolentino Biyernes ng gabi sa Maynila para pag-usapan kung paano mas mapalalakas ang lokal na awtonomiya at mga programang pangkaunlaran na sinimulan ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Ang mga layuning ito, ayon sa mga gobernador, ay makakamit kung matitiyak ang tagumpay sa darating na mid-term polls ni Tolentino at iba pang mga kandidatong mahigpit na sumusuporta sa mga adhikain ng administrasyong Marcos.

“Sinisikap namin sa LPP at PFP na ma-replicate ang mahusay na pamamahala hanggang sa batayang antas ng ating gobyerno,” ayon kay Gobernador Reynaldo Tamayo, Jr. ng South Cotabato at pangulo ng LPP.

“Gayundin, alam namin na mahalagang tumugma ang mga prayoridad ng Senado sa mga layunin ng Pangulo tungo sa pagkakaisa at kaunlaran,” dagdag nya.

“Bilang mga punong panlalawigan, dapat ituloy ang mga adhikain ng administrasyon na sya namang isusulong ni Senador Tolentino, na gaya namin ay nagmula sa ranggo ng mga lokal na lingkod-bayan – at ng iba pang mga kandidato ng PFP,” pagdidiin ni Tamayo.

Bilang tugon, kinilala ni TOL ang suporta ng mga gobernador. “Nagpapasalamat ako sa lahat ng mga gobernador mula Luzon, Visayas, at Mindanao na tumungo rito. Naging produktibo ang aming pag-uusap ukol sa mga prayoridad na proyekto at pagpapalakas ng lokal na awtonomiya.”

“Bilang dating alkalde, batid ko ang halaga ng mga lokal na pamahalaan sa pag-unlad ng bansa,” aniya. Si Tolentino ay nanilbihan bilang three-term mayor ng progresibong lungsod ng Tagaytay.

Bilang Chairman ng Metro Manila Development Authority, nakilala naman si TOL sa mga isinulong nyang solusyon sa trapiko, basura, paghahanda sa kalamidad, at promosyon ng disiplina sa mga mamamayan.

Bukod kay Tamayo, ang iba pang mga gobernador na dumalo sa hapunan kasama si TOL ay sina: Governors Marilou Cayco (Batanes); Ann Hoffer (Zamboanga Sibugay); Jose Gambito (Nueva Vizcaya); Imelda Dimaporo (Lanao Del Norte); Arthur Defensor Jr. (Iloilo); Ricarte Padilla (Camarines Norte); Jake Vincent Villa (Siquijor); Yshmael Sali (Tawi-Tawi); Bonifacio Lacwasan Jr. (Mountain Province); Jose Riano (Romblon); Ben Evardone (Eastern Samar); Edwin Jubahib (Davao Del Norte); Niño Uy (Davao Oriental); at Erico Aumentado (Bohol). Dumalo rin si Dapitan City Mayor Bullet Jalosjos.

AUTHOR PROFILE