Foodpanda

Mga foodpanda rider na nagsauli ng wallet pinarangalan

March 16, 2022 People's Tonight 462 views

PINARANGALAN kamakailan ang dalawang rider ng sikat na online food delivery app na foodpanda matapos nilang isauli ang natagpuang mga pitaka sa Cebu at Taytay.

Binansagang “lodi” o idol ang foodpanda rider na si Ruben Mangubat ng Cebu nang isauli niya ang napulot na wallet, na naglalaman ng P26,000, sa Mandaue City Police Office. Laking tuwa ng may-ari ng wallet matapos nitong malaman na natagpuan ito at naisauli ng mabuting delivery rider. Ayon kay Mangubat, hindi siya nagdalawang-isip na isauli ang wallet dala ng simpatiya para sa may-ari, na maaaring may matinding pangangailangan.

Samantala, hinirang namang “Natatanging Taytayeño” ang foodpanda rider na si Ali Concepcion matapos nitong isurrender ang natagpuang wallet, at mismong si Taytay mayor Joric Gacula pa ang tumanggap nito at nagbigay komendasyon sa matapat na rider. Laking pasasalamat ang ibinigay ng may-ari ng wallet, habang nagbigay papuri din ang mga netizens at kapwa foodpanda rider kay Concepcion.

AUTHOR PROFILE