Mga ‘feelingero’ sa Maynila umayos kayo!
PAHINGA muna tayo sa English column. Gusto ko kasi na mas madami ang makaunawa sa topic natin ngayon.
Dahil ‘beat’ ko ang Maynila bilang reporter ng pahayagang ito (ibig sabihin, sa Maynila ako naka-assign para kumuha ng mga balita), natural na araw-araw kong mino-monitor lahat ng kaganapan dito.
Bumilib ako sa haba ng pasensiya at pagtitimpi nitong si Mayor Isko Moreno sa pagiging ‘feelingero’ ng iilan lang naman na netizens.
Akalain ba naman ninyo na me nagreklamo dahil ‘late’ na daw nila natanggap ang libreng birthday cake ng kanilang kapamilyang senior citizen na nagdiwang ng kaarawan kelan lang. Na-delay ata ng isang araw ang delivery ng cake nila na regalo ng lungsod.
Kasabay halos niyan, may isa ding netizen na nag-post at nagrereklamo dahil nagparehistro daw siya para sa libreng bakuna sa Maynila at nang makatanggap ng text ay nagpunta siya sa bakunahan tapos, pagdating doon ay hindi naman daw siya nabakunahan dahil hinihingan daw siya ng dokumento para patunay na siya ay A3 o may comorbidity.
Sabi nung ugok na nagrereklamo sa cake, aanhin pa daw nila ‘yung cake eh tapos na birthday ng lola niya. Nagbibigay kasi ang lungsod ng libreng cake sa mga senior citizens na nagbe-birthday. Inihahatid ito sa mismong bahay ng may birthday.
Sa kanyang regular na live broadcast, nakangiti, malumanay at buong tiyagang humingi si Mayor Kois ng pasensiya at sinabihan na daw niya ang in charge sa cake. Pinayuhan din niya ‘yung nagrereklamo na kung talagang ayaw na nila dun sa cake ay maari naman nila itong ibigay sa mga nangangailangan ng makakain dahil marami ang nagugutom sa ngayon.
Bastos na, wala pang utang na loob ‘yung nagrereklamo. Imbes magpasalamat dahil hindi naman talaga obligado ang lungsod na magbigay ng cake sa lola niya, kung makareklamo parang utang na loob pa ni Mayor Kois na tanggapin nila ang cake.
‘Yun namang nagrereklamong di nabakunahan, masarap ding dagukan. Pag ikaw nagpa-rehistro para sa bakuna, sasagutan mo kung me mga sakit ka.
Kapag ang sakit mo ay pasok sa listahan ng comorbidities, isi-schedule ka sa bakunahan bilang kasama sa A3 category, o ‘yung mga 18 hanggang 59 years old na may comorbidity, at ite-text ka ng lungsod na puwede ka na magpabakuna. Maliwanag pa sa sikat ng araw na sa regulasyon ng Department of Health at maging sa FB announcements ng Maynila, na dapat kang magdala ng reseta o medical certificate kapag A3 ka, bilang patunay na me sakit ka nga at karapat-dapat sa bakuna.
Walang naipakitang anumang dokumento ‘yung nagrereklamo tapos ang tapang ng apog magreklamo. So ano? Maganda or gwapo ka lang? Di ka sakop ng regulasyon, ganun ba?
Kaya naman ang sabi ni Mayor Kois: “Sagutin n’yo nang tama dahil system-generated yan. Be responsible. Tandaan ninyo kayo ang sumasagot sa form hindi kami, lalo na sa medical history.” Ibig sabihin, malamang sa hindi ay nagpanggap na me sakit ‘yung nagrereklamo kaya walang mai-produce na dokumento.
Mahinahon ding nanawagan si Mayor Kois sa mga healthcare workers at vaccinating teams na ‘wag na lang pansinin ‘yung mga gustong magpa-espesyal at ituloy lang ang trabaho.
Sa Maynila, libre ang cake, libre din ang bakuna. Pero hindi ibig sabihin na pupuwede nang umasta ang sinuman na parang bagang ang mga benepisyong ‘yan ay pribilehiyo o karapatan na pupuwede nilang pagalitan ang gobyerno nang ganun-ganun na lang. Lalo na sa kaso nung nagrereklamo dahil di daw siya nabakunahan, gayung hindi naman pala siya marunong sumunod sa regulasyon at gusto maging espesyal lang.
Huwag naman sana tayong abusado, bastos at ‘feelingero.’ Ugali na ng maraming Pinoy ‘yan. Pakiramdam nila, alipin nila ang gobyerno at boss sila ng mga taong-gobyerno at dapat, lahat ng gusto at kailangan nila, ibigay ng gobyerno at agad-agad.
Isa lang ang pinag-uugatan ng pagiging ingrato o kawalan ng galang, utang na loob at kagandahang-asal ng ilan nating kababayan, kasama na ang maling pag-iisip na sila ay mga espesyal na tao kahit hindi. ‘Yan ay ang kawalan ng sapat na edukasyon.
Dun sa dalawang ‘feelingero’ na netizen, kung hindi man sila marunong mahiya sa asal na ipinakita nila, sana ay binigyan mang lamang nila ng kahihiyan ang kanilang mga magulang dahil baka sa kanila maibintang kung bakit kayo tumandang bastos.
Pamilyar naman tayong lahat sa linyang, ‘ganyan ka ba pinalaki ng magulang mo?’
*****
Jokjok (from Marianne Calixto of Leveriza, Pasay City)—- INDAY: Mare, ano ang pinapainom mo sa baby mo?/PETRA: Promil!/INDAY: Baket?/PETRA: Para matatag na pangarap! Eh ikaw?/INDAY: Ako? Hah! Emperador!!/PETRA:Baket?/INDAY: Para sa totoong tagumpay!!!
******
Direct Hit entertains comments, suggestions or complaints. Please have them emailed to [email protected] or text 0919-0608558.