Default Thumbnail

Mga dahilan kung bakit No. 1 si Robin Padilla

May 11, 2022 Edd Reyes 2243 views

Edd ReyesISA ako sa naniniwala na mapapabilang ang aktor na si Robin Padilla sa “Magic-12” ng mga kumakandidato sa Senado pero hindi ko inakala na siya ang hahakot ng pinakamaraming boto.

Bukod kasi sa endorso ni Pangulong Rodrigo Duterte, dala rin ng Iglesia ni Cristo ang aktor at higit sa lahat, solido ang suporta sa kanya ng mga kapatid nating Muslim na kanyang tinutulungan noon pa man ng hindi ipinabatid sa publiko o ipina-press release.

Napabilib din ni Robin ang publiko, maging ang mga tulad ni UP Professor Clarita Carlos sa kanyang mga sagot sa one-on-one na panayam sa kanya ng SMNI at ni Karen Davila, dahil may laman at may katuturan ang lahat ng kanyang mga pananalita.

Kuwento pa ng isa sa hinahangaan kong kasamahan sa hanapbuhay, may binili palang malawak na lupain ang aktor mula sa sarili niyang bulsa, hindi para sa kanyang pamilya, kundi para ipamahagi ng “libre” sa mga mahihirap at walang tirahang Muslim ng hindi man lang ipinabatid sa kaalaman ng publiko.

Pero ang isa sa nakatawag-pansin sa akin ay ang ibinahagi sa social media ng isang Ms. Verena na nagpaliwanag sa mga kumukuwestiyon sa kakayahan ni Robin at nagtatanong kung ano ang gagawin niya sa Senado.

Sabi niya, wala pa sa mundo ng pulitika si Robin ay marami na ang kanyang nagawa na kapakipakinabang sa mamamayan, kabilang na ang pagiging “peace maker” sa pagitan ng mga terorista at pamahalaan maging ang pagtatayo ng Therapeutic Center sa loob ng New Bilibid Prison (NBP).

Halos lahat daw ng kinikita ni Robin sa endorsement ng iba’t-ibang produkto ay tahimik na ibinuhos niya bilang donasyon sa Mindanao. Katuwang din siya sa pagbangon ng mga pamilyang naapektuhan ng Marawi siege at namamahagi rin ng tulong sa mga nasalanta ng bagyo ng hindi man lamang ipinababatid sa kaalaman ng publiko.

Hindi rin aniya masasabing kulang sa edukasyon si Robin dahil nakapagtapos siya ng kursong Criminology at nahalal sa Philippine Army Multi Sectoral Advisory Board’s Strategic Communication.

Payo pa ni Ms. Verena, huwag daw magmadali sa paghuhusga sa tulad ni Robin, na matagal ng gumagastos mula sa sarili niyang bulsa para tumulong sa kapuwa na hindi nagawa ng ibang pulitiko.

Hindi rin aniya marunong tumanggi si Robin sa mga taong lumalapit at humihingi ng tulong na bihirang makita sa ugali ng mga nakaupong pulitiko. Sabi niya, minsan, hindi lang utak ang kailangan kundi dapat gamitin din ang puso.

MAY PROBLEMA PA RIN NG HAWAHAN SA RIZAL

TAPOS na ang kinatatakutang problema ng hawahan ng COVID-19 sa mga political rally at iba pang uri ng pagtitipong may kaugnayan sa halalan kaya’t pahinga na rin sa mahigpit na pagbabantay ang mga kapulisan.

Pero dito sa lalawigan ng Rizal na sakop ng Police Regional Office IV-A na pinamumunuan ng P/BGen. Antonio Yarra, problema pa rin ni Rizal Provincial Director P/Col Dominic Baccay ang pagkukumpul-kumpulan, hindi dahil sa pulitika, kundi dahil sa pagdagsa ng maraming kabataan sa nagkalat na mesa ng mga illegal numbers game.

Sa dami ng mga mananaya, siksikan sila sa mga nakalatag na mesa at karamihan ay wala pa raw suot na face mask na hindi na inalintana ang panganib ng hawahan.

Kabilang sa mga dinadagsa tuwing gabi ang mga ilegal na sugalan sa Marilaque Highway sa Brgy. Sta Cruz, Marcos Highway sa Brgy. Mayamot, P. Oliveros St. sa Brgy. Dela Paz at Barangay Pinugay na pawang nasa Antipolo City.

Bukod sa Antipolo, may mga ilegal na sugalan din sa Brgy. Abuyod sa Teresa, Brgy San Guillermo sa Morong, Brgy. Sta Ana sa Taytay Floodway at Brgy, Macamot sa Binangonan na sakop ng lalawigan ng Rizal.

Kung tutuusin, madali lang naman daw maipatigil ang ganitong gawain kung mahuhuli ang mga pasimuno ng ilegal na aktibidad kaya lang, marami silang mga dumadayo lang sa lugar at gumagamit lang ng alyas tulad nina alyas Bojing, Taguro, Egay, Lito, Jess M.m Boylif, Lolong at Rambo kaya wala silang rekord sa barangay na nakakasakop sa lugar.

Kailangan sigurong pakilusin ni Col. Baccay ang kanyang mga Intelligence Officers para matukoy ang tunay na pagkakakilanlan sa mga pasimuno ng ilegal na aktibidad na posibleng pagmulan ng hawahan ng COVID-19.

Sa puna, suhestiyon o reklamo, mag-text lang sa 0923-457-9363 o mag-email sa [email protected].

AUTHOR PROFILE