Mga Chinese nationals may mga baril at bodyguards?

March 28, 2022 Erwin Tulfo 360 views

TulfoDAPAT ng tutukan ng mga otoridad itong balita na ilan sa mga Chinese nationals na narito sa ating bansa ngayon ay may mga dalang baril at ang iba ay may mga bodyguards pa.

Ang nangyaring barilan sa Solaire Hotel and Casino noong Biyernes ng gabi sa pagitan ng mga otoridad at ng sindikato ng mga Chinese at Vietnamese na sangkot sa iligal na bentahan ng baril ay patunay lamang na may nakakabili ng baril ang mga dayuhang ito.

Ang nakakagulat kung saan nila ito nakukuha o kung sino ang nagsu-supply sa kanila ng armas.

Ang nakakatakot pa baka gamitin nila ito laban sa mga kababayan natin na hindi nila makasundo dito sa ating bayan.

Pero ayon sa aking impoante sa pnp, nabibili ng sindikato ang mga baril sa mga scalawag na mga otoridad.

At karamihan daw sa mga baril na ito ay mga paltik o di kaya’y mga narekober o ginamit sa krimen.

Sa madaling sabi walang mga lisensya ang mga baril na hawak ng mga sindikato ng mga chinese at vietnamese na ito.

Dagdag pa ng aking impormante karamihan din daw sa mga miyembro ng sindikatong ito ay may mga bodyguards pa.

Kung hindi sa mga security agency kumukuha ang mga ito ng mga bodyguards, mga retired o AWOL na mga pulis o sundalo ang kinukuha ng mga ito.

Proteksyon pero kadalasan panakot daw sa ibang mga Asian nationals ang mga bodyguards nila ayon pa rin sa aking source.

Kalimitan sa mga casino sa Pasay tumatambay daw ang mga Asian syndicates na ito at doon nagaganap ang kanilang mga transaksyon.

Payo ng aking impormante, kailangang bantayan ng Bureau of Immigration (BI) ang galaw ng mga foreigners na ito pag pasok pa lamang daw sa ating airport.

Kalimitan daw kasi ay magpapanggap na mga turista ang mga ito o di kaya’y mga investor.

Panahon na rin siguro talaga na suriin ng mabuti ng BI ang mga pumapasok na mga banyaga lalo na galing sa China o Vietnam kung lehitimo ba ang kanilang pakay sa ating bansa.

Hindi rin naman pwedeng hindi natin tanggapin sila sa ating bansa dahil magkakaroon tayo ng problema sa mga bansa nila at baka hindi rin tayo papasukin sa kanilang bansa.

Ibayo at masusing pagbabantay na lang siguro ng ating mga otoridad para hindi makapasok ang mga sindikato na ito at maghasik na lagim sa ating bayan.

AUTHOR PROFILE