“Mga bayaning hubad”

October 3, 2022 Joey C. Papa 166 views

JoeyNaalala ko ang lumang pelikulang ito na pinangunahan ni Robert Arevalo na ang pamagat ay “Hubad na Bayani.” Ang natatandaan ko na lang ay ang eksenang tila nadakip siya at itinali ang dalawang kamay sa isang karosa na hinihila ng isang tila kalabaw.

Malabo na ang sa memorya ko ang buong kuwento ng pelikula. Ang malinaw na lang sa akin ay ang mahusay ang pagkakaganap ni Arevalo sa pelikula kahit nga lang sa isang eksenang binanggit ngunit sa kabuuan ay paglaban ito ng mga Pilipino sa isang mapang-aping mga grupo ng tao.

Bakit ako napunta sa salitang bayani?

Ang dami nang tinawag na mga “bayaning” Pilipino kabilang na ang mga migranteng manggagawang Pilipino o OFW.

Siyempre hindi maiiwan ang mga bayani ng digmaan laban sa Espanyol, Amerikano at Hapon.

Kailan lang ay tinanghal ang limang bayani sa lalawigan ng Bulacan dahil sa kanilang pagresponde sa mga nangangailangan ng tulong sa gitna ng bagyong Karding ngunit sa halip ay sila ang nasawi. Limang Pilipino ang nasawi.

HInahanap ko lang sana ang pagkilala sa limang bayaning Pilipinong ito na hindi lamang mula sa kanilang lalawigan kundi sa buong Piipinas.

Isang pambansang pagkilala na puwedeng humantong sa libingan ng mga bayani at iba pang kaakibat na tulong nilang mga mahal sa buay mula sa pambang pamahalaan.

Malinaw na malinaw naman na ang limang disaster responder ay nasa serbisyo nang sila’y mamatay.

Sa tingin ko nga’y puwede rin silang ginawaran ng 21 gun salute sa halip na tubig lamang mula sa pambombang hose ng mg bumbero.

Mga tunay silang public servant.

Maraming bayani na kahit saang lalawigan o bayan nagmula ay itinuring na pambansang bayani. Dahil ba nagmula sila sa isang lalawigan lamang ay di sila puwedeng kilalanin bilang pambansang bayani?

Matinding pagdurusa, pagkalungkot ang dinaranas ng mga pamilyang naiwan ng mga bayaning ito. Naiwan ang mga anak at pamilya. Naiwan ang mga mahal sa buhay na umaasa sa kanilang mga ama at kapatid.

Marami nang bayaning Pilipino ang nasawi sa paglilingkod sa bayan ngunit tila hindi nabigyang pansin.

Ang mga migranteng manggagawang Pilipino ay kinilalang bayani dahil sa naipapasok nilang salapi sa ating bayan na halos bumubuhay daw sa ating ekonomiya. Ngunit gusto ba nilang iwan ang kanilang mga anak o pamilya para magtrabaho sa ibang pamilya sa ibang bayan? At kung minsan ay pinapatay pa sila ng mga ilang abusadong employer.

Naging bayani ba ang mga kababayan nating dumating dito na nasa loob na ng kartong kabaong? Wala pa akong nakita o nadinig na tinawag silang mga bayani.

Ang mga bayaning ito na dumating nang patay sa ating bansa ay karaniwang mga kasambahay sa ibang bayan o domestic helper na nilapastangan ng kanilang employer at ginawan ng maraming kaso at sa huli’y lumundag daw sa bintana o kaya’y nasiraan daw ng bait. Ganoon ba ang mga bayani?

Nakalulungkot kung gano’n ang pagtingin sa isang bayaning OFW. “Konsuelo de-bobo” lang pala ang pagtawag na isang bayani sa kanila.

Nakalulungkot na maging ang mga Pilipinong nagtatanggol sa ating Inang kalikasan ay sinusuklian ng pananakot at panlalait at hindi tinatawag na mga bayani kahit na marami nang namatay o pinatay sa kanila.

Ginagawan pa nga sila ng maraming isyu ng pamahalaan sa halip na tulungan.

Ganito ang malinaw na larawan ng tunay na pagkabulok ng sistema ng ating bayan.

Mga bayaning karamihan ay hinubaran ng dignidad.

AUTHOR PROFILE