Gatchalian

Mga batas sa libreng Internet, distance learning pinarerepaso ni Gatchalian

October 22, 2022 PS Jun M. Sarmiento 513 views

ISINUSULONG ni Senador Win Gatchalian ang pagrepaso ng Senado sa mga batas na tinitiyak ang pagkakaroon ng maayos na Internet at tuloy-tuloy na edukasyon sa gitna ng mga kalamidad at sakuna sa ilalim ng “Free Internet Access in Public Places Act” (Republic Act No. 10929) at ang “Open Distance Learning Act” (Republic No. 10650).

Sa kanyang paghain ng Proposed Senate Resolution No. 59, nais ipasuri ni Gatchalian kung naipatutupad nang maayos ang naturang dalawang batas sa mga paaralan sa bansa. Nais din ng mambabatas na matukoy at matugunan ang mga isyu at hamong kinakaharap ng pagpapatupad ng dalawang batas.

Aniya, nananatiling hamon ang pagpapatupad sa dalawang batas na ito, lalo na noong suspendihin ang face-to-face classes noong kasagsagan ng pandemiya at ipinatupad ang distance learning.

Layon ng Free Internet Access in Public Places Act na lagyan ng libreng Internet ang mga pampublikong lugar sa bansa. Bahagi ng mandato ng batas ang paglalagay ng libreng Wi-Fi sa mga paaralan sa bansa kabilang ang mga pampublikong elementarya at high school, alternative learning system centers (ALS), state universities and colleges (SUCs), at Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) technology institutions.

Ngunit ayon sa Free Public Wi-Fi monitoring dashboard, nasa 945 lamang ang bilang ng mga paaralan sa elementary at high school na may libreng Wi-Fi buhat noong Enero 29, 2022 o dalawang porsyento lamang ng mga pampublikong paaralan sa bansa.

Sa batas naman na Open Distance Learning Act, ginawang institutionalized ang Open Distance Learning (ODL) upang palawigin pa ang access sa dekalidad na edukasyon sa kolehiyo. Mandato ng naturang batas ang paggamit sa distance education bilang akmang istema sa paghahatid ng dekalidad na edukasyon at technical educational services sa bansa. Ngunit hanggang ngayon ay nananatiling sampu pa lang ang higher education institutions na nag-aalok ng distance education.

“Bagama’t meron tayong mga batas na nakatulong sana sa pagpapatupad ng distance learning, may mga pagkukulang pa rin tayong dapat punan upang matiyak ang tuloy-tuloy at dekalidad na edukasyon sa gitna ng krisis. Kailangan nating tugunan ang mga hamong ito upang matiyak natin na walang mag-aaral ang mapagkakaitan ng edukasyon sa panahon ng mga sakuna at anumang emergency situation,” sabi ni Gatchalian, Chairman ng Senate Committee on Basic Education.