Default Thumbnail

Mga barangay, hinikayat suportahan ang ‘BIDA’

March 18, 2023 Jun I. Legaspi 256 views

KASUNOD ng pagpapaigting ng hakbangin ng pamahalaan laban sa iligal na droga, hinikayat ni Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamin “Benhur” Abalos, Jr. ang mga punong barangay (PB) na talakayin at anyayahan ang mga nasasakupan na suportahan ang “Buhay Ingatan, Droga’y Ayawan (BIDA) Program” ng Kagawaran kasabay ng pagsasagawa ng Barangay Assembly Days para sa unang semestre ng 2023 ngayong Marso.

“Sa muling pag-uulat ng PBs sa Barangay Assembly, nananawagan tayo na gamitin nila ang Barangay Assembly Day upang mahikayat ang kanilang constituents na maging ‘BIDA’ advocates at makiisa sa ating laban sa iligal na droga,” ani Abalos.

“Gamitin natin ang makabuluhang pagtitipon na ito upang tulungan ang buong pamahalaan para mapababa ang demand sa iligal na droga at sisimulan natin yan sa ating mga pamayanan.

Naniniwala ako na kaya nating gawin ito basta’t magtutulungan tayo,” dagdag niya.

Ayon kay Abalos, magandang pagkakataon ang barangay assembly upang maabot ang mga nasa pamayanan at ipaliwanag ang kahalagahan ng kooperasyon ng mga ahensiya ng pamahalaan, lokal na pamahalaan pati ang mga barangay, iba’t-ibang sektor, at publiko sa layunin ng kampanya ng BIDA na mapababa ang demand sa iligal droga. Aniya, “holistic” ang estratehiya ng programa kung saan tututukan din ang aspeto ng rehabilitasyon ng mga biktima ng iligal na droga.

“Let’s take advantage of the Barangay Assembly to encourage grassroots support for the BIDA Program. Hiling natin na tulungan tayo ng ating mga kababayan hanggang sa mga barangay upang mas lumakas pa at maging epektibo ang ating kampanya sa pamamagitan ng aktibong partisipasyon sa mga susunod na BIDA activities,” dagdag ng kalihim.

Sinabi niya na parami na nang parami ang mga sumasali at nakikiisa sa laban kontra droga, patunay dito ang matagumpay na paglulunsad ng BIDA Fun Run at Serbisyo Caravan noong Pebrero 27 sa Mall of Asia, Pasay City na dinaluhan ng 16,245 na BIDA advocates habang mahigit-kumulang sa sampung libo ang lumahok sa fun run sa Santa Rosa, Laguna.

Sa pamamagitan ng Memorandum Circular No. 2023-032, nagpaalala si Abalos sa mga mayor at punong barangay na tiyakin ang pagdadaos ng Barangay Assembly Days na ipinaguutos ng Local Government Code at Proclamation No. 599, series of 2018 sa bawat semestre ng taon sa alinman sa mga Sabado o Linggo ng Marso at Oktubre.

Ang tema ng barangay assembly day para sa unang semestre ng 2023 ay “B-BIDA KA! Barangay BIDA Ka sa Pagpapatupad ng Kapayapaan, Pangangalaga ng Kalikasan, at Pagpapaigting ng Pagkakaisa Tungo sa Isang Ligtas, Mapayapa, Maunlad at Masaganang Pamayanan.”

Ipinahayag ni Abalos na tatalakayin sa pagtitipon ang mga inisyatiba ng barangay bilang suporta sa ilang programa ng DILG tulad ng tree planting activity, accreditation ng barangay based civil society organizations (CSOs), at non-governmental organizations (NGOs), kasambahay registration, Barangay Road Clearing Operations (BaRCO), Halina’t Magtanim ng Prutas at Gulay (HAPAG) sa Barangay Project, at iba pa.

Bukod dito, ilalahad din ang sumusunod sa State of Barangay Address (SOBA) sa pangunguna ng punong barangay: accomplishment report at financial report para sa ikalawang semestre ng 2022, mga plano, programa, at proyektong nakatakda para sa 2023, estado ng available SK (Sangguniang Kabataan) funds, kasalukuyang sitwasyon ng COVID-19 sa mga pamayanan, at iba pang mga isyu at problema sa barangay.

Ayon kay Abalos, maaaring isagawa ang barangay assembly sa pamamagitan ng face-to-face o blended mode (face-to-face at online mode) ngunit pahihintulutan ang online mode para sa mga barangay na may mataas na kaso ng COVID-19 o iba pang emergency na may kaugnayan sa kalusugan.

Aniya, bagamat ipinapatupad na ang boluntaryong pagsusuot ng face mask sa open spaces, mahigpit pa ring ipatutupad ang pagsunod sa minimum public health standards para sa mga dadalo sa face-to-face barangay assembly.

“Mas mainam pa rin na mag-ingat ang lahat at magsuot ng face mask kung kayo ay parte ng vulnerable sector tulad ng senior citizens, mga indibidwal na may comorbidities, mga immunocompromised, mga buntis, mga symptomatic at mga hindi bakunadong indibidwal,” dagdag niya.

AUTHOR PROFILE