Kenchan

Mga awtoridad bigong i-serve ang warrant of arrest ni Ken Chan

November 8, 2024 Vinia Vivar 116 views

Sa ikalawang pagkakataon ay sinubukan ulit ng mga awtoridad na i-serve ang warrant of arrest kay Ken Chan kahapon pero nabigo silang arestuhin ang aktor.

Bandang alas-nuwebe ng umaga nang puntahan ng mga awtoridad ang umano’y bahay ni Ken sa Quezon City subalit wala sa nasabing tahanan ang aktor.

Ayon kay Atty. Joseph Noel Estrada, abogado ng isa sa mga nagrereklamo kay Ken, nahaharap ang aktor sa kasong syndicated estafa.

“Nag-serve lang ho tayo ng warrant of arrest against Ken Chan para po doon sa kanyang kinakaharap na kaso. Mayroon pong pending warrant of arrest na i-issue po ang korte sa kanya kasama ‘yung kanyang mga co-accused,” pahayag ni Atty. Estrada sa press.

“So, hindi na-serve ‘yung warrant ngayon at patuloy na hahanapin siya,” he added.

Bukod kay Ken ay may pito pa raw silang kinasuhan na diumano ay mga kasamahan o kasosyo ng aktor.

“Kasama ‘yung iba pang, I think, mga seven more co-accused, sila po ay nakakasuhan ng syndicated estafa under Article 315 of the Revised Penal Code. So, meron po silang pending na kaso, ito po ay nasa husgado na,” pahayag ng abogado.

Ayon umano sa reklamo ng kanyang kliyente (complainant), hiningan daw ito ni Ken ng investment na umabot sa P14 million.

“According to the complaint ay hiningan ng investment ni Ken Chan. Hindi naman sila authorized to solicit investment from the public and using misrepresentation and fraudulent schemes ay nakakuha sila ng pera against dito sa complainant,” saad ni Atty. Estrada.

“Dito po sa kaso na ating hinahawakan ay isa lang po ang complainant. Hindi ko lang po alam kung may iba pang complainants against them. Pero ito po sa kaso na ito ay isa ang nire-represent namin na complainant and more or less, ang involved na pera ay nasa 14 million.

“I think, base doon sa complaint, mga dalawang bigayan lang ‘yun (ang 14M) in less than a year,” he said.

Ayon pa sa lawyer, non-bailable ang kaso ni Ken.

Noong nakaraang Setyembre ay naghain na rin sila ng warrant of arrest kay Ken pero hindi rin nila natagpuan ang aktor.

“We’re doing everything to serve the warrant,” wika pa ni Atty. Estrada.

Kinumpirma rin ng abogado na restaurant investment ang involved sa kasong ito.

Hindi pa masabi ni Atty. Estrada kung willing ba ang complainant na magkaroon ng amicable settlement dahil sa ngayon umano ay gusto lang muna nilang mai-serve ang warrant of arrest at harapin ni Ken ang kaso.

Samantala, bukas ang People’s Tonight para sa panig ni Ken o ng kanyang kampo.

AUTHOR PROFILE

Showbiz

SHOW ALL

Calendar