
Mga artistang pikon, dapat tularan si Kris — Lolit
DISABLED pa rin ang comment section ng Instagram account ng talent manager/showbiz columnist na si Lolit Solis dahil sa blind item post niya tungkol sa isang maganda pero bobita raw na aktres.
Blind item ang IG post pero may umangkin umano dito na ikinagalit ng grupo ng fans na nag-demand na tanggalin ang IG account ni ’Nay Lolit.
Pero dahil wala raw makitang paglabag sa post ang IG kundi ang matinding bashing sa comment section, ito ang dinis-able ng Instagram.
Dito pinuri-puri ni ’Nay Lolit si Kris Aquino.
Una, wish ng talent manager/showbiz columnist na gumaling ito sa autoimmune disease.
“Kasi kahit anong sabihin mo pa, si Kris, talagang naughty lang, ’di mean person. Kaht anong sabihin mo, wala siyang mean bone, wala talaga siyang mean bone. Mabait siyang tao, kaya sana, kung anuman ang dinadala niya, ’yung kaya niya lang,” ani ’Nay Lolit sa isang intimate lunch kasama ang ilang kaibigang entertainment writers na nauwi sa interbyuhan.
Dagdag niya, “Si Tetay never napikon. Dapat gayahin nila si Tetay. Kahit anong ano, ’di ba? Diyos ko, ikaw naging anak ka ng presidente, naging kapatid ka ng presidente, kung ibang tao ’yon, at inaanu-ano mo ’ko, wa ka, matatakot ka, ’di ba?
“Pero siya, kahit anong gawin mo sa kanya, keri niya lang, so… tsuk, ganu’n. Dapat ganu’n ang artista.
Kaso may isang fans club na nairita sa akin, nag-blind item ako ng ano, may isa talagang nag-claim na siya ’yung sinulat ko na maganda nga pero bobitang aktres. Claim niya siya ’yon, ’di ba?
Nagalit ang fans club niya, kinomplain ako, gusto ipatanggal ’yung aking IG, eh, hindi naman malaman ng IG pa’no tatanggalin, wala naman akong sinulat na ano saka ano, ’di ba? So, ang nakita lang nilang may kabastusan du’n sa IG ko, ’yung mga basher. So ang ginawa, tinanggal na ’yung mga comment, wala nang maka-comment,” paliwanag ni ’Nay Lolit.