Mga Alvarez ng Palawan may kalaban na sa 2022
Hiling ng kababayan di matanggihan
BAGAMAN hindi pulitiko, pormal nang naghain ng kanyang kandidatura bilang kinatawan sa unang distrito ng Palawan si Engr. Edgardo ‘Egay Lim’ Salvame, bilang “tugon” sa kahilingan ng kanyang mga kababayan na magkaroon ng “bagong mukha” na kakatawan sa kanila sa Kongreso.
Pormal na inihain ni Salvame ang kanyang ‘certificate of candidacy’ (COC) sa lokal na tanggapan ng Commission on Elections (Comelec) noong Biyernes, Oktubre 1, 2021, unang araw para sa filing ng COC sa bayan ng Taytay.
“Nag-desisyon ako na maghain ng aking kandidatura bunsod na rin sa kagustuhan ng aking mga kababayan sa Norte (Palawan) nang bagong mamumuno sa kanila na mayroong konkretong solusyon sa kanilang mga kinakaharap na suliranin ….. at magdadala ng tunay na kaunlaran sa lugar,” paliwanag ni Salvame sa pahayag na ipinadala sa midya.
Inaasahang makakalaban ni Salvame ang angkan ng mga Alvarez sa katauhan ni Antonio C. Alvarez, ama ni Palawan first district Rep. Franz Alvarez.
Magbabalik sa Kongreso ang dating mambabatas na naging representante sa unang distrito ng Palawan (2007 -2013) bago niya ipinasa ang posisyon sa kanyang anak na si Franz na nasa kanyang huling termino. Sa kabuuan, 15 taon na ngayon sa puwesto ang mag-amang Alvarez.
Bilang chairman naman ng House Committee on Franchise, si Franz ang isa sa mga mambabatas na nanguna sa pagbasura ng prangkisa ng ABS-CBN noong 2019.
Para naman kay Salvame, magiging prayoridad niya ang patuloy na problema sa suplay ng kuryente sa unang distrito. Kilala si Salvame sa ‘power generation sector’ sa loob at labas ng bansa.
Aniya pa, bibigyang prayoridad din niya ang mga problemang patuloy na idinudulot ng pandemya ng COVID0-19, katulad ng kawalan ng trabaho, pagkalugi ng mga negosyo at pagpapalakas sa mga programang may kinalaman sa kalusugan.
Kasabay nito, tutugunan din ni Salvame ang matagal nang problema ng kanyang mga kababayan sa isyu ng ‘landgrabbing’ at kung paano magkakaroon ng mga ligal na dokumento sa kanilang mga ari-arian ang kanyang mga kababayan.
Nanawagan din si Salvame sa kanyang mga kababayan sa unang distrito na “magkaisa” at “samahan” siya sa pagsusulong ng tunay na kaunlaran sa kanilang lugar.
Bukod sa bayan ng Taytay kung saan siya isinilang ang unang distrito ng Palawan ay binubuo ng mga bayan ng Agutaya, Araceli, Busuanga, Cagayancillo, Coron, Culion, Cuyo, Dumaran, El Nido, Kalayaan, Linapacan, Magsaysay, Roxas at San Vicente.