Feliciano Angeles

Mga abandonadong balikbayan boxes tutugunan ng BOC, Kongreso

October 23, 2024 People's Tonight 120 views

KAUSAP ko nitong Miyerkules ng hapon si Overseas Filipino Workers (OFWs) Partylist Rep. Marissa del Mar Magsino.

Nasabi niya sa atin ang matagumpay na pakikipagpulong sa pamunuan ng Bureau of Customs, partikular na kay Commissioner Bienvenido Rubio at iba pang deputy commissioners and department heads ng kagawaran.

Seryoso si Congresswoman Magsino na resolbahin ang idinaraing ng mga OFWs patungkol sa problema sa mga balikbayan boxes na napupunta sa wala ang kanilang mga pinaghirapan.

Ani Magsino, ngayong nalalapit ang Kapaskuhan, magandang pagtuunang pansin ang mga problema sa Balikbayan boxes dahil hindi basta hirap, pagod at pawis ang puhunan ng mga OFWs na makapagpadala lamang ng pasalubong sa mga pamilya rito sa Pilipinas.

Nabatid na sa pinakahuling bilang na pagtaya, may 14,000 abandonadong balikbayan boxes ang ipinadala sa Pilipinas.

Sinabi ng BOC na kabuuang 11,708 mula sa 14,000 abandonadong boxes na mula Port of Cebu, Port of Batangas, Zamboanga at maging sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang naipalabas na o nai-donate na ng pamahalaan.

Ang natitirang 4,000 mga bagahe ay nakatengga pa sa ilang government storage na may problema sa logistical at legal na papeles kaya hanggang ngayon ay hindi pa ito naibibigay sa kani-kanilang destinasyon.

“Ang balikbayan box ay simbolo ng kanilang pagsusumikap, pagmamahal, at sakripisyo para sa kanilang mga pamilya sa Pilipinas, kaya’t personal nating tinutukan ito para mabigyan ng solusyon,” ani Magsino sa inyong lingkod.

Nabatid na kaya nagkakaroon ng problema sa pagkuha ng mga ipinadadalang balikbayan boxes dahil ilan sa mga kababayan natin sa abroad ay pinipili ang ilang ‘consolidators’ na mura maningil, ngunit sa kalaunan ay mga ‘scammers’ at manloloko pala.

Nilinaw ng BOC na wala silang control patungkol sa mga scam na consolidators abroad dahil labas ito sa kanilang jurisdiction.

May problema rin aniya sa legal na mandato ng pamahalaan na ang nasa ilalim ng existing na batas, ang bagahe ay idinideklarang abandonado sakaling hindi ito ma-claim sa loob ng 15-araw.

“Kailangan talaga magkaroon ng bagong legislation para matugunan ang problemang ito,” sabi pa ni Magsino.

Matindi rin aniya ang problema sa information dissemination kaya napupunta sa maling deconsolidators o forwarders ang ating mga kababayan.

Para sa kongresista, kung may nakalagay namang pangalan at eksaktong address ng mga nasa Balikbayan boxes, wala nang dahlia para maideliver ito sa kani-kanilang tahanan o destinasyon.

“Papanagutin natin ang mga deconsolidators na mabibigong ideliver ang mga balikbayan boxes na ipinagkatiwala sa kanila,” sabat pa ng kongresista na champion ng mga OFWs.

“Malapit na ang Pasko kaya importanteng masiguro natin na makakarating ng tama sa oras ang mga balikbayan boxes dahil alam natin na pinaghirapan ito ng mga kababayan nating OFWs para maipadala at mapaligaya nila ang mga mahal sa buhay dito sa Pilipinas,” pagtatapos pa ni Magsino.

Sa kabila nang maayos na pakikipag-ugnayan sa BOC, desidido si Magsino na isulong ang House Resolution No. 499 upang higit pang mapagbuti ang batas para sa pagbibigay proteksiyon sa mga balikbayan boxes na demarating sa bansa.

Isang hakbang ito na tama at angkop upang mapangalagaan nang husto ang mga kababayan nating OFW na tunay na mga bayanı ng bansa. By Feliciano Angeles

AUTHOR PROFILE