Menor de edad itinumba sa Tanauan
ISANG 15 taong gulang na batang lalaki ang idineklarang patay matapos barilin ng isang hindi pa nakikilalang suspek habang nakaistambay sa tabi ng kalye sa Barangay Natatas, Tanauan City, Batangas, Lunes ng gabi.
Batay sa ulat ng pulisya, nakatanggap sila ng tawag bandang ika-6:50 ng gabi (Abril 10) hinggil sa insidente at agad silang nagpadala ng responde sa lugar.
Ayon kay P/Lt. Col John G. Rellian, ang biktima ay nakitang nakatayo umano sa gilid ng kalye ng nabanggit na lugar dakong alas-6:30 ng gabi nang biglang dumating ang isang lalaki.
Biglang bumunot diumano ng baril ang lalaking suspek at pinaputukan ang biktima sa bandang ulo umano nito at duguang bumagsak sa lupa, ayon sa inisyal na imbestigasyon.
Mabilis na tumakas ang salarin matapos ang pamamaril.
Ang biktima ay mabilis na isinugod ng mga residente sa ospital subalit idineklarang dead on arrival na ito ni Dr. Millenio Fabros.
Narekober ng mga imbestigador ang isang basyo ng bala ng kalibre 45 sa pinangyarihan ng krimen.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya hinggil sa insidente.