Default Thumbnail

Memo ng LTO, “umiiyak” ang mga driving schools

March 31, 2023 Paul M. Gutierrez 270 views

Paul“UMAARAY” ngayon ang mga driving school sa ibinabang Memorandum Circular No. JMT-2023-2390 ng Land Transportation Office dahil sadyang makakaapekto ito sa kanilang operasyon.

Kabilang kasi sa nilalaman nito ang pagtatalaga ng ceiling price o hangganan ng halaga na maaari nilang singilin sa kanilang serbisyo.

Ayon sa inilabas na pahayag ni LTO Chief, Assistant Secretary Jose Arturo “Jay Art” Tugade, dumaan umano sa masusing pag-aaral at konsultasyon ang nasabing memorandum sa lahat ng stakeholders.

Subalit sa programang Meet the Press Report to the Nation ng National Press Club nitong Biyernes, hindi ganito ang eksaktong nangyari ayon mismo kay Ms. Marie Franz Gavino-Ochoco, presidente ng Association of Accredited Driving Schools of the Philippines, Inc. (AADSPI).

Sa madaling salita mga kababayan, maraming ginagawang pagbabago ngayon ang LTO para mapabuti ang serbisyo nito pero hindi lahat ng pagbabago ay nagiging maganda. Nagiging masama ang pagbabago lalo na kung hindi talaga nakonsulta mabuti ang mga stakeholders.

Aniya, mistulang ‘presentation’ sa kanilang mga stakeholders ang nangyari hinggil sa lalamanin ng Circular 2023-2390 at hindi ‘consultation’ sa kanilang mga stakeholders upang tanungin sila kung “ano” ang “gusto” nilang mga probisyon nito na papabor naman sa kanilang serbisyo.

Nakita po natin na malaking isyu po talaga ito dahil naniniwala po tayo na malaki ang ginagampanang papel ng mga driving schools upang maging ligtas ang ating mga kalsada at maging ligtas ang publiko.

Pero lumalabas po na kung hindi mababago ang memorandum na ito ay magkakaroon po ng malaking problema sa operasyon ng mga driving schools. Ayon nga po kay Ms. Marie, marami po sa kanila ang mapipilitang magbawas ng branches at mapipilitang magbawas ng mga tauhan.

Sa madaling salita marami po ang mga mawawalan ng trabaho at malaking kabawasan sa maaaring kitain ng gobyerno pagdating sa buwis.

Umiiyak na nga daw po ang kanilang mga empleyado dahil nakikita na nila ang magiging epekto nito sa kanila.

Dahil po kapag ang kikitain ng mga driving schools ang pakikialaman, at nais bawasan ang kanilang kikitain, sadyang talaga pong aaray ang mga ito. Sa atin pong pakikipanayam sa kanilan nauunawaan po natin ang kanilang kalagayan.

Lahat po ng negosyo ang nangangailangan ng kapital at hindi biro ang pagtatayo ng isang driving school. Dahil may mga kinakailangan silang requirements na kailangan sundin na itinakda rin ng LTO.

Kailangan nila ng mga sasakyan na parehong may automatic at manual transmission, kailangan nila ng classroom na hindi bababa sa 24 square meters at may CCTV. Kailangan din nila ng maneuvering circuit kung saan magsasanay lalo na ang mga nag-aaral ng motor.

Maliban pa po ito sa iba pang gastusin gaya ng insurance na mas mataas pa ang singil sa kanila, gasolina, at pagbabayad sa mga empleyado kabilang na ang mga driving instructor. At ito pa po ang isang problema. Tinaasan ang standard ng mga driving instructor.

So tinataasan ng LTO ang mga requirements nito para sa mga driving school pero binababaan nito ang presyo o kikitain ng mga driving school dahil ‘fixed rate’ na lang sa P4,000 bawat estudyante.

Kung ganito po ang mangyayari ay parang itinulak po talaga natin na malugi ang mga negosyong kagaya nito.

And take note, dear readers, itnatakda rin ngayon ng LTO na sapat na 8-oras na pagmamaneho ng isang student driver para mabigyan ng ‘certificate’ ng driving school na kailangang sa pagkuha ng lisensiya.

Eh, teka muna, paano kung hindi naman talaga natuto sa 8-oras na pagmamaneno ang isang estudyante? Sa lohika ng LTO, walang drayber na “bobo.” Eh, delikado yan!

Ang isa po sa panganib nito mga kababayan ay maaaring masakripisyo ang kalidad ng pagtuturo ng mga driving schools. At sa usapin ng kalidad, sa mga kukuha umano ng walong oras sa pag-aaral para magmaneho ay kailangan nang bigyan ng certificate ang mga ito.

Isang malaking panganib po ito sa mga motorista at publiko dahil hindi natin matitiyak ang pagkatuto sa loob lamang ng walong oras. Dahil iba-iba po ang kakayanang matuto ng mga tao. May mga taong mas mabilis matuto at may mga taong kailangan pa ng mas matagal na panahon.

Kung ganito po, wala po tayong katiyakan sa kalidad ng pagkatuto ng mga papasok sa driving schools. Hindi po magagawa ng driving schools ang kanilang mga trabaho kung ganito ang polisiya.

Kaya naman umaasa tayo na sa darating na Abril 12 kung saan nakatakdang muling mag-usap ang LTO at mga driving school sa isang dayalogo ay maging totoong dayalogo ito. Dahil hindi uubra ang ganitong usapin sa loob lamang ng dalawa o tatlong oras na siya umanong nangyari noong Marso 4.

Kailangan maintindihan ng LTO na hindi nila basta kontrolado ang mga driving school sa gusto nila. At sana mas totoong mapakinggan sila ng totoo, hindi iyong nadinig lang sila pero hindi napakinggan. Ito ang nangyari kung bakit po umaaray ngayon ang mga driving school sa ginagawa ng LTO, kasamang Divine Reyes.

AUTHOR PROFILE